Ang Tunay na Ina (1939) ay kuwento ni Magdalena (Rosario Moreno) na biktima ng panghahalay ni Antonio (Exequiel Segovia), isang lalaking may pagtingin sa kanya subalit hindi niya gusto. Ito ay nauwi sa kanyang pagbubuntis na hindi sinang-ayunan ng kanyang ama (Precioso Palma). Dahil sa kahihiyang idudulot ng sanggol sa kanilang pamilya at sa kanyang magiging kinabukasan pa, nagpasya ang ama ni Magdalena na ipaampon ang apo. Sa tulong ng kanilang kasambahay, ibinigay ang sanggol kay Aling Andang (Naty Bernardo).
Lumipas ang ilang taon at nakilala ni Magdalena si Roberto (Rudy Concepcion). Sila ay nagkaibigan. Subalit dulot ng kanyang nakaraan ay nag-alinlangan siyang tanggapin ang pagmamahal ng binata. Nagpasya siyang ipabatid dito ang kanyang lihim sa pamamagitan ng isang liham. Umasang siyang maiintindihan nito at mahahalin pa rin sa kabila ng madilim niyang nakaraan. Hindi nakarating ang liham kay Roberto sapagka’t hindi ito ibinigay ng kanyang tiyahin (Nati Ruby) sa takot na hindi ito matatanggap ng kasintahan. Bukod pa rito ay nangako siya sa kanyang kapatid, ama ni Magdalena, bago ito pumanaw, na iingatan niya ang sikreto ng kanilang pamilya. Nagpahayag muli ng pag-ibig si Roberto. Sa paniwalang tanggap nito ang lahat ay pumayag si Magdalena sa alok nitong pag-iisang dibdib.
Nagbunga ng anak na lalaki, si Junior, ang pagsasama nina Magdalena at Roberto. Magkagayon man ay hindi pa rin nawawaglit sa isipan ni Magdalena ang anak na nawalay sa kanya. Sa tulong ng kanyang tiyahin ay natagpuan nila ang batang si Tita (Tita Duran) na ngayo’y malaki na at naghihirap sa buhay. Ninais niyang kunin si Tita upang makabawi sa kanyang pagkukulang. Subalit hindi ito naging madali para sa kanya dahil sa pagtanggi ni Aling Andang na ibigay si Tita sa kanya. Dagdag pa sa kanyang kalbaryo ay ang pagbabalik muli ni Antonio sa kanyang buhay. Hinihingan siya ng pera na kapalit ng pananahimik nito. Sa ganitong pagkakataon ay nalagay sa krisis si Magdalena: ang pagpili sa kanyang asawa o sa anak na nawalay sa kanyang piling.
Ang pelikulang Tunay na Ina, katulad ng mga pelikulang nauna rito, ay nag-ugat sa mga kuwentong pang-teatro, partikular ay ang sarsuwela. Ang sarsuwela ay kadalasang kuwento ng pag-iibigan ng mga bida na minsa’y katawa-tawa at dinaraan sa iba’t ibang awitin o sayaw. Ang mga pangunahing bida ay napapabilang sa mga mayayaman at mahihirap. Ang naturang antas sa buhay ang minsang nagiging balakid sa mga bida na kinakailangan nilang mapagtagumpayan.
Ang Tunay na Ina ay gumagamit ng musika upang ipahatid ang nararamdam ng kanyang mga pangunahing tauhan. Ang awiting “Buhat” mula sa komposisyon ni Miguel Velarde, Jr. at titik ni Dominador Santiago ay makailang ulit na aawitin nina Magdalena at Roberto sa iba’t ibang okasyon ng kanilang buhay. Sa ganitong pagkakataon ay nagbabago rin ang kahulugan ng nasabing awitin. Ito ay awitin ng pagsinta sa dalawang taong maituturing na umibig sa unang pagkikita pa lamang; ito ay awitin ng mag-irog na ipapaabot hanggang sa dambana ang kanilang pagmamahalan; ito ay awitin ng isang ina na nagmamahal at nangugulila sa kanyang anak, at; ito ay awitin ng mag-asawang lubos ang kaligayahang nararamdaman sa pagkabuo ng kanilang pamilya.
Ang ganitong istilo ng pag-awit at paglalapat ng musika ay hindi naman tuluyang tinalikdan ng pelikulang Filipino. Mula sa entablado noong panahon ng Kastila hanggang sa musical ng Hollywood, nagpatuloy ang istilong ito. Noong dekada otsenta ay makailang ulit ding narinig ang ilang popular na awitin sa pelikulang Bituing Walang Ningning (Emmanuel Borlaza, 1985) sa iba-ibang pagkakataon sa buhay ng kanyang mga karakter na sumasalamin sa kanilang pinagdaraanan (David 2010). Ngayong dekadang ito, hindi man lubusang inaawit ng mga bida ang theme song ng pelikula ay maririnig naman ito sa mga piling eksena sa kanilang buhay, instrumental man o may halong boses ng mang-aawit. Sa Unofficially Yours (Cathy Garcia-Molina, 2012) ay tuluyan nang umawit ang mga bida upang ipahatid ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa gayong hindi musical ang pelikula.
Ang Tunay na Ina ay tumatawid na sa isa pang uri ng dulang pang-teatro, ang drama. Madrama ang kuwento ng buhay ni Magdalena at hindi naging madali para sa kanya ang lagpasan ang trahedya ng kanyang buhay. Siya na ang naging biktima ng panggagahasa, siya pa rin ang umani ng hirap na dulot nito: ihiniwalay sa kanya ang anak, ikinahiya ng kanyang ama ang nangyari sa kanya, nilayuan siya ng kanyang asawa nang malamang nagkaroon siya ng anak sa pagkadalaga, at namatayan siya ng isa pang anak sa mga sandaling iginugugol niya ang kanyang panahon sa anak na nawalay sa kanya. Samantalang ang lalaking umabuso sa kanya ay nanatiling malaya at nakuha pang takutin siya at maging kaibigan ng kanyang asawa.
Ito marahil ang idelohiyang nais na ipahatid ng pelikula: ang babae ang sumasalo sa lahat ng hirap na dulot ng pang-aabuso sa kanya. Bilang isang babae ay kinakailangan niyang magtiis upang marating ang ninanais na kaligayahan. Kahambing-hambing sa dinanas ni Maria, ang ina ni Hesus, na nagkaroon ng Anak sa pagkadalaga at nang lumaon ay tiniis ang hirap at sakit sa pagpaparusa at pagpatay sa Anak. Bilang kapalit ng kanyang pinagdaanan ay isang natatanging lugar sa kalangitan para sa kanya. (Ang awiting “Ave Maria” na inawit ni Magdalena sa pelikula ang nagpapahayag ng pagpapahalagang ibinibigay ng Katolikong lipunan sa kanya.) Hindi ito nalalayo sa mga turo ng Simbahan sa atin na nagbibigay-halaga sa pagtitiis sa hirap upang makamtam ang kaligayahan na maaaring makamit sa paglipas ng panahon sa mundong ito o sa kabilang buhay.
Kakikitaan din ang pelikula ng double standard na ipinapataw sa mga lalaki at babae. Ang babae ay hindi na maituturing na karapat-dapat para sa isang lalaki kung siya ay nabahiran na ng “dungis” ng iba (kahit pa ang lalaki ang nagdulot nito sa kanya). Nakakahiya na siya sa tingin ng iba at maging ng kanyang pamilya. Malaki ang simbolismong pinahahayag ng kanyang pangalang “Magdalena,” ang babae sa Bibliya na itinuturing na makasalanan at sinasabi ng ilan na isang babaeng puta. Subalit katulad ni Hesus, siya ay pinatawad Nito kapalit ng kanyang pagsisisi at pagbabalik-loob. Si Magdalena sa Tunay na Ina ay pinatawad ng kanyang pamilya matapos niyang maranasan ang hirap sa pagsasabi ng katotohanan sa asawa at sa pagkamatay ni Junior.
Isa pang umiikot na tema at idelohiya sa pelikula ay ang pagsasabi ng katotohanan at ang kahihinatnan ng pagsisinungaling. Ang katapatan ay nagdudulot ng matiwasay na pagsasama at ang kasinungalingan ay nakawawasak ng sarili at ng pamilya. Ang hindi pagsasabi ni Magdalena ng kanyang nakaraan kay Roberto nang personal ay nauwi sa kapahamakan nilang mag-asawa. Hindi ang kanyang nakaraan ang naging punto ni Roberto kundi ang di niya pagsasabi ng totoo ukol dito na maituturing na isang pangloloko. Pinagbayaran ni Magdalena ang lihim na ito nang pagkawalay sa asawa at pagkamatay ng anak. Nasalamin na rin ang ganitong pangyayari sa naunang eksena ng kasambahay nina Magdalena at sa tsuper ni Roberto. Nililigawan ng tsuper ang kasambahay subalit nagpapanggap siyang mayaman at walang asawa. Nang malaman ng kasambahay ang katotoohan ay hindi na niya tinanggap ang panunuyo sa kanya ng tsuper. Karaniwan na ang ganitong value sa mga pelikulang Filipino hanggang sa ngayon kung saan mataas ang halagang ibinibigay sa katapatan. Cliché na nga itong maitutiring subalit paulit-ulit pa ring mapapanood ang ganito uri ng kuwento sa mga pelikula, mula man sa Pilipinas o sa ibang bansa. Ang katagang “Magpakatotoo ka” ay madalas na nabibigkas sa panahong ito na isa ring ideyang nagmula sa pagiging matapat.
Ang Tunay na Ina ay isang pelikulang maituturing natin na bunga ng kanyang panahon. Nasa pananakop ng mga Amerikano noong taong 1939, may banggaang nagaganap sa mga ugaling pinahahayag ng pelikula mula sa mga nakagawiang tradisyonal na Kastila at makabagong Amerikano.
Si Magdalena ay larawan ng isang makabagong babae na tanggap ang kanyang anak kahit pa ito ay dulot ng isang pagkakamali. Subalit bilang isang babae ay hindi siya makakapalag sa patriarkang sistema. Ang kanyang ama pa rin ang nasunod sa desisyong ilayo sa kanya ang kanyang anak. Siya rin ang naging talunan nang malaman ng kanyang asawa ang kanyang pagiging dalagang-ina. Ninanais lamang niyang itama ang kanyang pagkakamali sa kanyang unang anak subalit pinagbayaran niya ito nang matindi. Sa huli ay nauwi rin ang kanyang kapalaran sa pagpapatawad at pagtanggap sa kanya (at kay Tita) ng kanyang asawa upang mabuo ang kanyang pagkatao. (May pagkakataon sa pelikula na gusto na niyang wakasan ang kanyang buhay dahil pakiramdam niya’y wala na itong halaga. Hindi siya matanggap ni Tita bilang ina at hindi rin siya tanggap ni Roberto bilang asawa.)
Sa kanyang panahon, nangahas ding magtanong ang pelikula sa kung paano bang maituturing na tunay ang isang ina. Ito ba ay sa kung sino ang nagluwal sa kanyang anak o kung sino ang nagpalaki rito. Mababaw man ang pagtalakay ng pelikula sa ganito paksa ay nagbukas siya ng isang malawak na diskurso sa isang paksa na kinakaharap ng maraming ina.
Representasyon ng makabagong lipunan ang makabagong kasuotan ng mga pangunahing karakter na napapabilang din sa angkan ng mayayaman. Sa kabilang banda, ang mga may tradisyunal na pag-uugali, mahihirap, at nakatira sa nayon ay nakasuot ng Filipinong kasuotan.
Ang teatrong pinagmulan ng pelikula ay hindi rin maikakaila sa istilong ginamit nito sa paglalapat sa pinilakang-tabing. Melodramatic subalit kalkulado ang galaw ng kanyang mga artista. Kadalasan ay nalilimitahan sila sa apat na sulok ng kuwadrado katulad ng entablado at nananatili sa gitna nito. Hinahayaan na lamang nila ang kamera na siyang lumapit sa kanila para sa kanilang close-up. Ang mga kuha ng kamera ay mabibilang din lamang sa tatlo: wide shot, medium shot, at close-up. Subalit ginagamit na rin nito ang editing techniques na nagmula pa sa Hollywood kahit pa hindi pulido ang pagkakagamit nito. May mga pagkakataong makikitang nakahinto ang isang artista at naghihintay na bigyan ng hudyat ang kanyang paggalaw. Katulad din ng mga teleserye sa panahong ito sa ating telebisyon, humihinto ang kanilang galaw bilang transisyon para sa susunod na eksena o kaya’y upang mabigyang-diin ang ekspresyon sa kanilang mga mukha.
Gumamit din ng irony ang pelikula na madalas ay nagiging sangkap ng kuwento. Kabilang dito ang pag-awit ni Tita sa isang pagtitipon, “Maligayang Pasko, araw ng kasayahan...” Subalit kaiba sa mga naunang dalawang sandali nang pag-awit niya nito, nagdurugo ang kanyang puso. Hindi niya madama ang tunay na kaluguhan ng awitin. Lumuluha siya sapagka’t nalaman niyang malubha ang sakit ni Aling Andang. Mas nais pa niyang makapiling ang ina kaysa makipagsayahan.
Isa ring teknik na ginamit ng pelikula na magpahanggang-ngayon ay ginagamit pa sa paggawa ng pelikula ay ang loveteam. Ang Tunay na Ina ay ang ikatlong pelikula na pinagsamahan nina Rosario at Rudy na bunsod ng matagumpay nilang tambalan noong unang pagkakataon (Video 48 2010).
Bilang produkto ng kanyang panahon, ang Tunay na Ina ay hindi nararapat na panoorin gamit ang modernong mata at makabagong pag-iisip. Bagkus ay dapat itong tingnan nang may halong pagkamangha sa kung paano ba nabuo ang pelikula noong dekadang ito. Bukod pa rito, ang kasaysayang napapaloob dito ang maaaring magpaliwanag sa mga kasaysayang napapaloob sa kuwento ng makabagong panahon at maaaring magsabi kung nagkaroon ba ng pagbabago o nananatili pa rin tayo sa panahong inakala nating iniwanan na natin.
(Mapapanood ang Tunay na Ina sa You Tube page ni Gobitz. Unang bahagi ng anim na paghahati ay matatagpuan dito: Tunay (1938) 1/6. Para sa mga umiibig sa pelikulang Filipino, ito ay karapat-dapat na mapanood.)
References
Book Tiongson, Nicanor G. “From Stage to Screen: Philippine Dramatic Traditions and the Filipino Film.” Readings in Philippine Cinema. Ed. Rafael Ma. Guerrero. Quezon City, Philippines: Rapid Lithographic & Publishing House, 1983. 83-94.
Film
Bituing Walang Ningning. Dir. Emmanuel Borlaza. Perf. Sharon Cuneta, Cherie Gil, and Christopher de Leon. Viva Films, 1985. Film.
Unofficially Yours. Dir. Cathy Garcia-Molina. Perf. John Lloyd Zruz and Angel Locsin. Star Cinema, 2012. Film.
Web
Cruz, Oggs. Lessons from the School of Inattention. “Tunay na Ina (1939).” Feb. 2012. Web. 17 July 2012. http://oggsmoggs.blogspot.com/2012/02/tunay-na-ina-1939.html
David, Jek. The Jek Journals Online. “The Songs of Bituing Walang Ningning.” Feb. 2010. Web, 17, July 2012. http://lifetranslated.blogspot.com/2010/02/songs-of-bituing-walang-ningning.html
Video 48. “Rosario Moreno and Rudy Concepcion in Octavio Silos’ “Tunay na Ina” (1939).” Feb. 2010. Web. 17, July 2012. http://video48.blogspot.com/2010/02/rosario-moreno-in-octavio-silos- tunay.html
No comments:
Post a Comment