Wednesday, April 03, 2013

Ang Personal at Pulitikal na Espasyo sa mga Pelikulang "Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag" (Brocka, 1975) at "Scorpio Nights" (Gallaga, 1985)


Masalimuot ang dekada sitenta sa Pilipinas. Bago pa lamang pumasok ang dekadang ito ay kabi-kabilang pag-aaklas na ang nagaganap mula sa mga Filipinong hindi kuntento sa pamamalakad ni Marcos sa bansa. Mariin nilang tinututulan ang tiwaling pamahalaang tila pinapaboran ang korupsiyon at pagsupil sa karapatang pantao ng kanyang mamamayan.

Upang tuluyang pigilan at patahimikin ang mga taong kumakalaban sa kanya at sa kanyang gobyerno, idineklara ni Marcos ang martial law noong September 21, 1972. Mas pinalawak nito ang kanyang kapangyarihan at ginamitan niya ng kamay na bakal ang lahat ng kanyang pinanghahawakan. Ang dating tinatamasang kalayaan (na tinatapakan na rin bago pa man ang martial law) ng mga Filipino ay lalong ginipit at tuluyang pinawalang-halaga. Ito ay ikinubli bilang pangangalaga sa kapayapaan ng bansa na sa pagtakbo ng panahon ay inabuso ang paggamit. Maraming karapatang-pantao ang binalewala at maraming tao ang basta-basta na lamang dinukot upang mapangalagaan lamang ang pangalan ng unang pamilya sa labas ng bansa at mapanatili sa puwestong kanilang kinauupuan.

Isa sa pinaghawakan ni Marcos ay ang sining kabilang na ang pelikula. Bilang tagahanga ng sining at kagandahan, siniguro ng pangulo at ng kanyang unang ginang na si Imelda na kagandahan lamang ang mangingibabaw sa mga pelikula. Pinintahan ang kapangitan upang maging makintab at maningning kahit pa umaalisangaw ang baho. May mga hindi man kaakit-akit na larawan sa pelikula ay siniguro nitong may kaakibat itong pagtatama sa huli at may aral na pinapahayag.

Naging mahigpit ang rehimen sa mga inilalabas na pelikula. Bago pa man gumiling ang kamera ay siniguro ng pamahalaan na nabasa nila ang iskrip at sinang-ayunan ang nilalaman nito. Ang ganitong paghihigpit marahil ang dahilan kaya naging mas malikhain ang mga manunulat at direktor sa pelikula. Ikinubli nila sa paggamit ng iba-ibang teknik sa pelikula ang nais nilang ipahayag laban sa gobyernong kanilang kinasusuklaman. Hindi ito kapansin-pansin sa mga ordinaryong mata ng mga manonood subalit hindi nakalampas sa mga mapanuring mata at bukas na isipan ng mga kritiko.

Si Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) sa gitna ng tagumpay at pighati

Ang Maynila ay ang sentro ng pamahalaan at komersyalismo sa Pilipinas. Para sa mga taga-probinsya na nagnanais ng magandang buhay, ito ang katuparan ng kanilang mga pangarap. Para sa mga taga-Maynila, ito ay pinamumugaran ng kasalanan at kasawian. Ganito ilarawan madalas ang Maynila sa mga pelikula kabilang na ang obra ni Lino Brocka na Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag noong 1975 sa panulat nina Edgardo Reyes at Clodualdo del Mundo. Ito ay kuwento ni Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) na nagtungo sa Maynila upang hanapin ang kanyang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel). May ilang taon na ring hindi sumusulat si Ligaya sa kanyang pamilya simula nang irekrut ito ni Mrs. Cruz upang magtrabaho at makapag-aral diumano. Lugar ng oportunidad ang Maynila sa mga naglalayong umasenso sa buhay, ayon kay Mrs. Cruz.

Subalit kinulong ng kani-kanilang mga pangarap sa Maynila sina Julio at Ligaya. Kung anu-anong trabaho ang pinasukan ni Julio upang mapanatili lamang ang sarili sa siyudad at mahanap si Ligaya. Kung anu-ano ring panggigipit ang kanyang tiniis upang makamtan ang kanyang ninanais. Gayundin si Ligaya na pinagkakitaan ni Mrs. Cruz bilang isang puta. Binahay siya ni Ah Tek, tinakot, at kinulong sa sarili niyang kahihiyan. Nang magtagpo ang magkasintahan at naglayong takasan ang Maynila, pinatay ni Ah Tek si Ligaya. Binalikan ni Julio si Ah Tek at naningil ng buhay para kay Ligaya. Subalit ang naging kapalit ng paniningil na ito ni Julio ay ang mismong buhay niya na ang mga tao sa paligid ang kumuha.

Ang ligaya at sakit ng muling pagkikita

Isang malagim na kuwento ng pag-ibig nina Julio at Ligaya ang sinasalaysay ng pelikula. Ito ay mas nakalulungkot pa sa kuwento nina Romeo at Juliet na kinitil ang kani-kanilang buhay upang makapiling ang isa’t isa. Ninais na mabuhay nina Julio at Ligaya. Ang kanilang mga piniling gawin sa buhay ay dulot ng kanilang pagnanasang magkaroon ng magandang kinabukasan. Subalit naging maramot ang tadhana sa kanila. Mga buhay nila ang naging kabayaran sa kanilang mga pangarap.

Pumapagitna sa mga karakter nina Julio at Ligaya ang Maynila. Malaki ang kanyang ginampanan sa pag-iibigan ng dalawa sapagka’t siya ang naghiwalay rito at masasabing siya rin ang nagbuklod muli sa kanila. Sa kabila ng kanyang umuusbong na negosyo at oportunidad para sa kanyang mga mamamayan ay ang mga taong naghihirap na humaharap sa iba-ibang isyu ng korupsiyon, panggigipit, kontrakwalisasyon, prostitusiyon, pagkamkam ng lupaing pagmamay-ari ng iba, pagiging iskwater, hindi pagkakaroon ng sapat na edukasiyon dahil sa kahirapan, at kung anu-ano pa. Ito ang pulitikal na anyo ng lugar na ginagalawan nina Julio at Ligaya na nagkukrus sa kanilang mga personal na buhay. Malaki ang kinalaman ng naturang aspekto sa kinahantungan ng kanilang mga buhay.

Magkagayon man, sa kabila ng hindi magandang imahe ng Maynila na kinabibilangan din ng mga manunulat at direktor ng pelikula, may mga natatanging kuwento na nagbibigay ng liwanag sa Maynila. Nariyan ang pag-ibig ni Julio kay Ligaya na nanatiling tapat at matiisin sa kabila ng paghihirap. Hindi siya kailan man nawalan ng pag-asa na hindi niya matatagpuan si Ligaya. Nang matagpuan niya si Ligaya at nalaman ang kinasadlakan nito, hindi niya ito kinasuklaman at kinahiya bagkus ay mas ninais pang hanguin sa putikan na pinaglubluban nito. Ganito marahil sinasabi ang uri ng pagmamahal na mayroon ang maraming Filipino sa kanyang bansa. Patuloy nila itong minamahal sa kabila ng hindi magagandang nangyayari rito. Hindi sila sumusuko at patuloy na umaasang lalaya rin ito sa kanyang pagkakatali.

Kakikitaan din ng kuwento ng matinding pagkakaibigan sina Julio at Pol (Tommy Abuel) na nagtutulungan at nagbibigayan kahit pa humaharap sa kahirapan. Hindi iniwan ni Pol si Julio sa mga oras na nangangailangan ito ng kaibigang masasandalan. Tinulungan niya rin itong makapaghanap ng trabaho at sinuportahan sa kanyang paghahanap kay Ligaya. Nariyan din ang pagtatagumpay sa pagkakaroon ng mas magandang trabaho na may malaking sahod ng isa sa mga naging kasamahan ni Julio sa konstruksiyon sa pamamagitan ng pagpupunyagi. Itong mga butil ng kuwento ng inspirasyon ang siyang bumubuhay sa mga karakter ng pelikula. Madilim man ang kanilang paligid na kinabibilangan, sila ang nagsisilbing ilaw nito. Ang kanyang mga mamamayan ang maglalabas sa Maynila sa liwanag mula sa dilim kahit pa ang kapalit nito ay ang kanilang mga buhay.

Ang pagkukrus ng kamatayan at paglaya; ng kasawian at kaligayahan; ng impiyerno at kalangitan

Ang Binondo ang isa sa mga lugar na pinangyarihan ng Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag. Dito ay kinulong si Ligaya sa bahay ng isang Tsinoy na nag-angkin sa kanya bilang asawa. Ang Binondo ay napapabilang sa isa sa mga pinakamayamang lungsod sa Maynila kung saan kabi-kabilang mga matatagumpay na negosyo ng Tsinoy ang namamayagpag. Ito ay taliwas sa mga kalapit-bayan niya na laganap ang kahirapan. Para siyang nakahiwalay sa kabuuan ng Maynila. May sariling mundo. May sariling kaganapan. May sariling mga mamamayan.

Ganito maituturing ang compound na tinitirahan ng mga karakter sa Scorpio Nights ni Peque Gallaga noong 1985 sa panulat ni Rosauro dela Cruz. Ito ay nasa mayamang lungsod ng Binondo na tila pinabayaan at kinalimutan na ng may-ari nito. Marami nang sira ang bawat kuwarto at tila unti-unting nabubulok. Subalit naninirahan dito ang iba-iba taong tila hiwalay rin sa ikot ng mundo sa labas ng compound. Ang iba sa kanila’y naghahanap-buhay mismo sa loob ng compound (may nagtitinda at nagwe-welding) at hindi na kailangang lumabas pa. Ang iba sa kanila ay lumalabas lamang kung may ibang pupuntahan, papasok sa paaralan o may hanap-buhay sa labas nito. May sarili rin itong maliit na court na pinaglalaruan ng basketbol ng mga kalalakihan at maluwag na espasyo sa gitna na maaaring takbuhan ng bata. Pinagsasalu-saluhan ng lahat ang iisang banyo na hindi naman isyu sa karamihan. Magkakakilala ang lahat at tila nagtuturingan na magkakaibigan at iisang pamilya. Sa madaling sabi ay isang komunidad na silang maituturing kung saan nasa isang lugar na ang lahat ng kinakailangan.

Isang komunidad man, may nangyayari pa ring inggitan at pagnanasa sa pagmamay-ari ng iba. Ito ang nararamdaman ni Danny (Daniel Fernando) sa tuwing pinanonood niya ang pagtatalik ng mag-asawang nakatira sa ilalim ng kanilang kuwarto. Sinisilip niya ang pagtatalik ng dalawa habang hinahawakan ang sarili upang makaraos. Sa kanyang madalas na pamboboso ay nakabisado na niya ang ritwal ng dalawa. Uuwi ang asawang lalaking nagtatrabaho bilang isang security guard ng alas-tres ng umaga at aabutang tulog na ang asawa. Kakain ito ng hapunan, maglilinis ng katawan, makikipagtalik sa natutulog na asawa, at matutulog.

Isang gabi ay nagkaroon ng pagkakataon si Danny na pasukin ang kuwarto ng mag-asawa. Nagpanggap siyang asawa ng babae at ginawa ang mga kilos na kinagawian ng security guard kabilang na ang pakikipagtalik. Kakaibang tagumpay ang naramdaman ni Danny ng gabing iyon at ninais niyang ulitin. Sa pag-aakalang hindi pansin ng babae ang ibang lalaking gumagamit sa kanya, pinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa hanggang iparamdam ng babae na siya ay gising at nais niyang ipagpatuloy ang kanilang pagniniig. Ang dating tila walang kibong babae at passive sa seks ay naging dominante at mapangahas. Pinagpatuloy nila ang kanilang relasyon sa pag-aakalang hindi ito lingid ng asawang lalaki. Nakulong sila sa daigdig ng kanilang pagnanasa sa isa’t isa.

Makalipas ang ilang gabing nagdaan ay umuwi ang lalaki sa aktong nagtatalik ang dalawa. Inilabas niya ang kanyang baril at unang binaril ang lalaking nakapatong sa asawa. Sinunod niyang paputukan ang asawa. Bago malagutan ng hininga ang misis ay nakipagtalik muna siya sa duguang katawan nito. Matapos ay isinubo niya ang baril at kinalabit ang gatilyo nito.

Kung may isang malaking aral na nais iparating ng rehimeng Marcos, ito ay ang kasamaan ay hindi nagtatagumpay. Sa Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag, ang pagpaslang ni Ah Tek kay Ligaya ay pinagbayaran niya ng kanyang buhay. Ang paghihiganti ni Julio kay Ah Tek ay sinuklian niya ng sarili niyang buhay. Sa Scorpio Nights, ang pagtataksil ni Danny at ng nangangaliwang asawa ay may karampatang parusa gayundin ang ginawang pagkitil ng buhay sa kanila ng security guard. Ito ay kamatayan. Hindi maaaring palampasin ng lipunan ang katiwaliang ginagawa sa kanya o sa mga nasasakupan nito. May katapat na kaparusahan ang sinumang lalabag sa mga alituntunin nito. At sisiguruhin ng kanyang pamahalaan na maipapatupad ang batas ano man ang mangyari (kahit pa sila mismo ang lumabag sa sarili nilang batas).

Sina Danny, ang maybahay, at ang security guard ang tatsulok na pangunahing bumubuo sa pelikula. Sila ang maituturing na tatlong aspekto ng personalidad na ayon kay Sigmund Freud: ang ego, id, at superego. Si Danny ang ego—ang maninimbang. Bago pa man niya tugunan ang pangangailangan ng kanyang katawan ay pinag-aralan niya muna ang kanyang magiging kilos. Inalam niya ang takbo ng kanyang paligid at maingat na kumilos upang makamit ang kanyang layunin. Ang maybahay ang id—ang makamundong pagnanasa. Siya ang sentro ng pagnanasa ni Danny at hindi naman niya ito binigo. Naging mapangahas siya sa binata at dito niya ibinaling ang kanyang kapusukan na umabot sa puntong hindi na niya inisip ang kahahatungan nito. Nagpadala siya sa silakbo ng kanyang damdamin at tawag ng laman. Ang security guard ang supergo—ang konsensya. Malinis ang daang kanyang tinatahak. Hindi baleng siya ay maghirap at magdusa sa ngalan ng matapat na gawain. Hindi niya rin makuhang makipagtalik sa asawa sa ibang posisyon maliban sa misyonero. At nang makaramdam siya ng mali, agad niya itong itinama sa paraang nalalaman niya.

May ganitong estraktura ang pamahalaan. Sa bawat nagkakamaling tao niya ay may tagapag-alala sa mga nararapat niyang gawin—ang simbahan, at may tagatama ng kaniyang kamalian—ang batas ng gobyerno. Makikita rin ito sa tatsulok na binuo sa Maynila… kung saan ang Maynila ang nagsisilbing tuktok sa nag-iibigang sina Julio at Ligaya. Siya ang nakakakita at nakakaalam ng lahat ng pangyayari sa kanyang paligid. Siya rin ang puputol sa mga sungay na sumusuwag sa kanya.

Tila nakahiwalay man sa kabuuan ng mundo, ang compound sa Scorpio Nights ay bahagi pa rin ng isang malaking komunidad. May mga pagkakatong maririnig ang sirena ng sasakyan ng pulis sa labas ng kanilang compound na nagpapatunay na may kaganapan sa labas ng kanilang maliit na mundo. Mayroon ding kuwento ng mga dinudukot na kalalakihang pinaghihinalaang kumakalaban sa pamahalaan. Hindi sila tahasang nakahiwalay sa bansa bagkus ay isa lamang sila sa mga komunidad na bumubuo sa bansa na may sinusunod ding estraktura at batas. Subalit hindi maikakailang katulad ng tila nabubulok na kaanyuan ng compound ay ang nabubulok na moralidad ng mga taong nakatira rito. Tila pinabayaan na sila ng lipunang dapat kumankandili sa kanila at nag-aalaga katulad ng mga nagdarahop na mamamayan ng Pilipinas. Pilit silang itinatago upang mapagtakpan ang baho at dumi ng kapaligiran.

Ang graphic seks bilang isang paksang tinututulan ng Board of Review for Motion Pictures and Television (BRMPT) ay hindi kaaya-aya ang paglalarawan. Pinakita ito sa kanyang madumi, mabaho, at pawisang estado na nauwi sa karumal-dumal na pagwawakas. Subalit ito ring aspekto ng seks ang dahilan na ginamit ng pelikula upang siya ay tangkilin ng manonood.

Hindi natinag ang mga alagad ng pelikula na maipahayag ang kanilang niloloob sa kanilang sining kahit pa sinusupil ang kanilang kalayaan na magpahayag noong rehimen ni Marcos. Ginawa nila ito sa malikhaing pamamaraan. Maraming karahasan at karumal-dumal na pag-apak sa karapatang pantao ang idinulot ng martial law sa bansa, subalit hindi maikakailang naging susi rin ito upang makabuo ng mga hindi matatawarang obra sa pelikula ang mga alagad nito.

No comments: