Friday, April 20, 2012

Ang Limangdaang Pisong Baon at Mga Pangarap

Ang isa sa mga naging usapin ng PBB Teens 4 ngayong gabi ay tungkol sa gastusin ng mga kabataan linggo-linggo. Nagsimula kay Alec na gumagastos ng PhP2k+ a week at natapos kay Kit na gumagastos ng PhP11k+. Nakakalula kung iisipin ang gastos ni Kit, pero dapat isaalang-alang na isa siyang modelo na kumikita ng PhP75k per gig ayon sa kanya. Ang may pinakamababang gastusin naman ay nagkakahalaga ng PhP119 lamang. Sa naturang episode pa rin ay makikitang ang bulto ng gastusin ng mga bata ay napupunta sa pagkain. Malakas daw silang kumain, sabi ng iba.

Naalala ko tuloy at hindi maiwasang maikumpara ang naging baon ko noong college (1993-1997). PhP500 a week ako noon at kadalasan ay tinitipid ko pa upang may matira at may maipangbili ako ng VHS tapes. Kadalasan, lunch lang ang pinagkakagastusan kong pagkain. 'Yun ay kung aabutin kami ng lunch sa school. Kung bandang ala-una naman ang klase, alas-diyes pa lang ay kumakain na ko ng lunch sa bahay para makaalis ng bandang alas-onse. Isa't kalahati hanggang sa dalawang oras ang biyahe noon mula sa bahay sa Valenzuela papuntang CEU, Mendiola. Kung abutan naman ako ng gutom sa school at may magyayang kumain, sa canteen na lang kami pumupunta. Sa halagang PhP50, may pasta at gulaman ka nang makakain. Kung hindi naman, ay isang pirasong doughnut at juice mula sa Dunkin' Donuts ang bibilhin ko kung saan kami tumatambay bago umuwi ng bahay. Subalit kung talagang tipid talaga at may paglalaanan ng pera, tiis-gutom na lang o magpapalibre sa mga kaibigan o makikikain na lamang. Madalas din ay hindi na ko sumasama sa after-school gimik tulad ng pagkain nila sa Shakey's. Sayang lang sa pera, naisip ko. Pangtawid-gutom lang, OK na ko. Hindi naman kailangang sa Shakey's pa ko kumain. (Hanggang sa ngayon ay ganoon ang panuntunan ko sa buhay. Basta maibsan lang ang gutom ay ayos na ako. Hindi ko na kailangan pang kumain sa mga mamahaling kainan. Fastfood lang ay solb na! Hindi rin naman ako malakas kumain.)

Hindi naman sa naghihirap kami noon. Ayoko lang kasing hingin pa sa mga magulang ko ang ginagastos kong pambili ng CDs o VHS tapes (o ang panonood ng sine). Noon ay nagkakahalaga ng PhP375 each ang original VHS tape. Blank tapes 'ata ay PhP175 each (generic).

Malaki ang naiipon ko noon sa pagtitipid ko. Sa isa o dalawang linggo, nakakabili ako ng bagong pelikula. At pangdagdag sa pambili ng "luho", pinaparentahan ko rin sa mga kaklase at kaibigan ang mga VHS tapes ko. Sa ganoong paraan, hindi ko lamang sila napapakinabangan, kumikita rin ako para makabili ako ng pangdagdag sa koleksyon. 'Yung iba sa mga pinaparentahan ko ay kopya mula sa mga nirerentahan kong tapes sa video shops kaya nag-iimpok din ako ng blank tapes. Mayroon akong isang notebook na listahan ng mga pelikulang mayro'n ako at doon pumipili ang mga "customers." Kapag Huwebes ay iniikot ko na ang listahan sa mga suking kaklase. Pagdating ng Biyernes, bitbit ko na ang isa o dalawang SM plastic bag na punong-puno ng VHS tapes at idi-distribute ko sa mga nanghihiram. (Ang hirap magbitbit kapag umuulan o bumabaha. May dala pa akong bag para sa gamit ko sa school.) Pati 'ata ilan sa mga naging professors namin ay nakapanghiram din sa 'kin minsan, kung hindi ako nagkakamali.

PhP20 per title 'ata ang singil ko noon. Hindi naman ako naninigil ng due fees. Basta matapos nilang mapanood, pwede na nilang isoli. Lagi naman kaming nagkikita sa klase. Minsan, ang mga sinosoling tapes ay hinihiram na kaagad ng iba. Kung maulan naman ay di ko muna kinukuha sa kanila lalo na kung wala akong dalang plastic na paglalagyan ng mga tapes. Subalit hindi naman sila nagkakasabay-sabay ng pagsasauli kaya mas madaling iuwi ang mga tapes kaysa dalhin sa school.

(Sa mga CDs naman, upang makatipid ay nagpaparegalo ako sa mga kaibigan ko tuwing kaarawan ko. Gumagawa ako ng listahan ng mga gusto kong bilhin at pinapapili sila. Hindi na sila makakatanggi kasi birthday ko naman. At saka nagagawa ko lamang 'yon kapag may handaan ako. Kung wala naman ay hindi ganoong kalakas ang loob kong manghingi sa kanila. Nahihiya ako.) 

Umabot ang ganoong pangangalakal ko hanggang sa magtrabaho na ko bilang guro sa elementarya (1998-2001). Mga kasamahan ko namang guro ang mga customers ko. Ganoon pa rin ang palakad, pero may ilang mga kasamahang nagbabayad ng due kapag sobrang tagal na sa kanila nu'ng tape. Nahihiya raw sila kasi sa akin. Pero di ko naman inoobliga. Wala naman akong store talaga noon at wala namang naghihintay na ibang customers upang rentahan ang titulong nasa kanila. Subalit isa talaga sa mga malalaking pangarap ko ang magkaroon ng video shop. Sa tagal ng panahon at nauso na ang pirata, napagtanto ng daddy ko na hindi na rin praktikal ang magtayo ng video shop. Hindi ako sang-ayon sa sinabi niya, pero hindi na rin naman ako makakatanggi. Sa kanila noon manggagaling ang kapital upang maisakatuparan ko ang pangarap ko.

Ito ang isa mga clear book ko ng movie posters na kakikitaan ng listahan ko. Cutouts mula sa dyaryo o magasin ang iba o photocopy ng mismong VHS case. Mayroon akong mas maliit na notebook na titulo at ilang still (mula sa pelikula) cutouts lamang ang nakalagay para mas madaling bitbitin. Subalit hindi ko ito makita sa ngayon.

Nagsimula ang pagpaparenta ko dahil sa isang kaklase nu'ng high school. Nahilig akong mangolekta ng mga tapes noon mula betamax (konti lang naman sa beta noon dahil pumasok na ang VHS) hanggang VHS. Kung hindi original ay kinokopya ko ang nirerentahan kong pelikula na kadalasan ay kinopya mula sa mga laser discs (noon panahon na iyon ay pang-sosyal ang laser discs dahil mahal ang player nito at maging ang mga discs) o kaya'y screener's copy (na uso pa rin hanggang sa ngayon). Noong high school, ay tumatambay ang barkada ko sa bahay upang manood ng mga bagong labas na pelikula. Matapos ang klase lalo na't kapag shortened period ay sa bahay na ang aming tuloy upang manood. Minsan, kapag absent ako sa school at maaga ang uwian, pupuntahan pa rin nila sa bahay upang makinood. Ganoon ang naging sistema hanggang sa magkolehiyo na kami.

Noong college, nagpunta ang isa mga kabarkada ko (si Jhoy) sa bahay kasama ang isa sa mga kaklase naming lalaki na mula sa ibang barkada (si Memong). Nakita niya ang mga tapes ko at tinatanong kung nagpaparenta raw ba ako. Sinagot ko ay hindi. Sinabi ay gusto niyang pumili at rentahan ang iba. Pumayag ako. Sa binayad niyang 'yon sa 'kin, naisip ko na pwede ko ngang pagkakitaan ang koleksyon ko. Simula noon, maging sa mga kapitbahay at mga kaopisina ni daddy ay nagparenta na rin ako. Subalit dahil sa koleksyon ko nga mga iyon, maingat ako sa mga pinapayagan kong manghiram. Kadalasan ay sa mga kakilala lamang at kaibigan. Hindi ko rin isinapubliko ang business na iyon dahil wala rin naman akong permit. Ayokong dumating sa punto na hulihin ako at kunin ang mga pinaghirapan kong koleksyon. At saka hindi ko rin pinapahiram ang original casing ng mga tapes. Nilalagay ko sila sa ibang lalagyan upang hindi masira o mapunit ang original case.

Hindi na ko nagpaparenta ngayon. Subalit pangarap ko pa rin magkaroon ng sarili kong business na may kinalaman sa mga pelikula o sa aking mga kinakahiligang bagay. Nangongolekta pa rin ako nga mga pelikula, pero nitong mga nakaraang taon ay hindi ko na binibili lahat ng pelikulang napanood ko at nagustuhan. Masyado na kasing mataas ang presyo at hindi ko na rin nakikitaan ng practicality. Ang mga madalas na binibili ko na lamang ay 'yung sa mga pinakapaborito kong artista o 'yung mga pelikulang gustong-gusto ko. (Hindi na sapat 'yung nagustuhan ko lamang.)

Sana ay maisakatuparan ko ang mga pangarap ko. Sana ay kasinglayo ng limangdaang piso noon ang marating nila sa ngayon. Minsan ay abot-tanaw ko sila. Minsan naman ay nangungulimlim sila.


No comments: