Thursday, April 04, 2013

Reversal of Roles sa "Tayong Dalawa" (Guillen, 1992)


Isang liberal at palaban na babae ang karakter ni Sharon Cuneta bilang Carol Yaptengco sa Tayong Dalawa (Laurice Guillen, 1992). Independent at career woman na matatawag kung saan umiikot ang kanyang mundo sa kanyang trabaho. Wala na siyang panahon para sa sarili kaya namang sinisiguro ng kanyang ina na naaalalayan pa rin ang kanyang pangagailangan sa pamamagitan ng pagbisi-bisita ng kasambahay niya sa bahay ni Carol minsan sa isang linggo.

In a work place dominated by men, Carol is trying to make a name for herself. As the office's department manager, she wants to achieve more and prove herself worthy as a woman. Hindi niya tanggap na hanggang department manager o sekretarya lamang ang naaabot na posisyon ng mga babae sa kanilang kumpanya. Handa niyang gawin ang nararapat upang marinig ang kanyang tinig at matanggap ang inputs niya na equal sa mga kalalakihan.
(L) In the world of men, Carol stays in the background. | (R) In front nobody listens to her.

Subalit pagdating sa pag-ibig, hanggang saan ang kaya niyang ibigay? Hanggang saan ang kaya niyang gawin? Magiging palaban din ba siya nang katulad sa kanyang trabaho? Patutunayin din ba niyang kaya niya ang magmahal sa taong sa tingin niya ay karapat-dapat ding bigyan ng kanyang pagmamahal?

Sa unang pagkikita pa lamang nina Carol at Tonchi (Gabby Concepcion) ay isang business transaction na turing dito ni Carol. May kapalit na bayad sa bawat serbisyong ibinibigay. May karampatang sukli ang trabahong binabahagi. Pinatawag niya si Tonchi upang kumpunihin ang nasirang coffee maker ng opisina. (Ang salitang "kumpuni" ay sasambitin ng iba't ibang karakter sa pelikula sa iba-ibang pagkakataon sapagkat sa kani-kanilang buhay ay may inayos sina Carol at Tonchi.) Aabutin pa ng isang linggo bago maayos ito kung hahayaan pa niyang dumaan ito sa office process. She took it upon herself to have the coffee maker fixed using her own resources. Office politics can be quite grueling even for simple things like that.

Nang matapos ni Tonchi ang pagsasaayos ng coffee maker, siningil niya ng 400 pesos si Carol. Hindi pa makapaniwala si Carol dahil sa tingin niya ay simpleng gawain lamang 'yun para magkahalaga ng ganoon. Dito pa lang ay naipakita at naiparamdam na ni Carol na hindi sila magkauri ni Tonchi. She might underestimates people like him, thinking that their work is not as valuable as hers. Na ang manual labor ay hindi gaanong pinag-iisipan at pinaghihirapan ng katulad sa mga trabahong kagaya niya na nakakulong sa opisinang de-air con. Isa ito sa hindi maitatangging prehuwisyo (prejudice) sa ating lipunan. There is a dividing line between blue and white collar jobs. That one is harder than the other or one is more significant over the other, not thinking how one compliments the other or how they help each other out. Bukod pa rito ay cheque ang pinangbayad ni Carol na maaaring magpahiwatig ng kanyang air of superiority kay Tonchi. Sa bandang huli ay patutunayan niya ang ganitong pagtingin sa nasabing lalaki sa pagtawag sa kanya ng "basura". (Maging ang kanyang ina ay may halong pangugutya nang tawagin niya itong "magbobote". Ironically, the house help thinks she is also higher than him by calling him "trabahador".)

Sa kanilang ikalawang pagkikita ay mayroon ng pagpaparamdam ng sexual attraction. Carol checks Tonchi's ass as he turns his back on her. She offers him coffee, but he declines, saying he'd rather prefer drinking it at home. Such subtle cues provide the courting/mating rituals for (gay or straight) men and women. Their next move leads to a dinner date to their eventual coupling.

May lalaking malapit kay Carol sa opisina, si Mike (Eric Quizon). Binububuyo sila ng kanyang ina sa isa't isa subalit kailanman ay hindi niya ito nakita nang mahigit pa sa pagiging kaibigan. Una ay hindi rin naman ito nagpapahiwatig ng direktang interes sa kanya. Pangalawa ay nakikita niya ito bilang kumpetisyon sa opisina. Lalaki si Mike at mas pinapaboran siya ng kanilang bosses. Sa tuwing magsasalita siya ay si Mike ang pumapagitna upang maintindihan ng mga boss ang kaniyang sinasabi. She feels that he undermines her credibility every time he steps up for her. Nakikita niya ang pag-angat ng posisyon ni Mike sa opisina habang siya ay nananatili sa kaniyang kinalulugaran. And it seems that Mike is oblivious to her plight. He thinks that she is just imagining things that do not exist. How can he understand her anyway when he belongs to the system? How can he accept the difference when he is the favored one?

Tonchi seems to be a better choice. He is less threatening to her, yet he exudes a confidence that is attractive to her. There's an air of smugness that seems to compliment her own sense of arrogance. And it seems that he isn't threatened either by her social status. Kaya niyang ibaba siya sa lupa upang ma-appreciate ang mga maliliit na bagay sa 'yo. She can be herself with him without apologies.

Bilang isang babae ay hinayaan pa rin ni Carol na si Tonchi ang gumawa ng unang hakbang. He touches her hand and slowly kisses her. But she is never the modest type. She kisses him with gusto and an open mouth (which is a rarity in a Sharon Cuneta movie). The minute they go to bed, she takes charge. Pumaibabaw siya kay Tonchi at naging agresibo. Nanatili siya sa ganoong posisyon hanggang sa marating nila ang rurok ng kanilang pagtatalik.


Ang gabing iyon ang nagbigay kay Carol ng lakas ng loob sa opisina na makipagsabayan ng utak sa kanyang mga boss. She plays her cards like a man. She learns to massage their egos without compromising her own.

Looking at love like a business transaction, Carol wants to make sure what she is in for. Hindi niya maipakilala si Tonchi sa kanyang ina hanggang hindi niya nalalaman kung ano ba ang status ng kanilang relasyon. Isa siyang segurista. Hindi maaaring ibigay ang sarili nang todo-todo nang walang nakukuhang kapalit.

Subalit maingat si Tonchi. Ayaw niyang magpadalos-dalos ng desisyon. Ayaw niyang magpadala sa bugso ng damdamin hanggang hindi pa siya nakasisiguro rito dahil minsan na siyang nagkamali.

Sa ganitong pagkakataon ay tila bumaligtad ang kadalasang characterization ng lalaki at babae sa pelikula pagdating sa pag-ibig. Si Tonchi ang romantikong maituturing na umaasang matatanggap ni Carol ang kaniyang nakaraan dahil sa pagmamahal. Siya ang lalaking hindi nangingiming pagsilbihan ang kanyang mga mahal sa buhay at manatili lamang sa bahay na ginagawa ang kanyang gusto. Hindi niya gusto ng kapangyarihan. Malayo sa kanyang isipan ang dibisyong namamagitan sa kanila ni Carol.

Samantala, si Carol ang tila nanainip na sa paghihintay at naghahangad na makuha ang kaniyang gusto na kabaligtaran ng nangyayari sa kaniya sa opisina. But how much more can can take? May mga lihim sa buhay ang kaniyang minamahal na kaniyang kinabibigla. She wants to be in control of the situation and would not allow any surprises to get in the way. Thus, the minute that her world is shaken, she takes off, leaving Tonchi behind.

Carol couldn't handle the stress brought by the relationship. Hindi siya sanay sa ganoong mundo kung saan wala siyang kontrol sa mga pangyayari. Sa trabaho ay kaya niyang ipaglaban ang sarili. Alam niya ang maaari niyang gawin upang makuha ang kanyang nais. Utak ang labanan. Dealing with matters of the heart is entirely different. She is not equipped to handle it.

Due to the humiliation brought to her at the office by Naida (Bing Loyzaga), Tonchi's ex-partner, she quits her job. She is too arrogant to accept that she made a mistake. Hindi niya kayang ipakita sa mga tao sa paligid ang kanyang naging kahinaan. Paano pa siya makikita ng kanyang mga boss na magkapantay sila kung gayong nalantad na ang kanyang kahihiyan sa buhay?

Eventually, Carol gives in to the desires of her heart. Natuto siyang maging pasensiyoso at tahimik na naghintay sa pagbabalik ni Tonchi (na maaaring namatay sa pagsabog ng kanyang sailboat).  Nang magbalik ito ay sinuko na rin ang sarili ng buong-buo sa taong magpapasaya sa kanya.

Puso nga ba ang kahinaan ng babae o ito ang bagay na nagpapalakas sa kanila? Nararapat nga bang isuko ang karera para sa pag-ibig? Hindi ba ito magkakaroon ng balanse kailanman?

Wednesday, April 03, 2013

Ang Personal at Pulitikal na Espasyo sa mga Pelikulang "Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag" (Brocka, 1975) at "Scorpio Nights" (Gallaga, 1985)


Masalimuot ang dekada sitenta sa Pilipinas. Bago pa lamang pumasok ang dekadang ito ay kabi-kabilang pag-aaklas na ang nagaganap mula sa mga Filipinong hindi kuntento sa pamamalakad ni Marcos sa bansa. Mariin nilang tinututulan ang tiwaling pamahalaang tila pinapaboran ang korupsiyon at pagsupil sa karapatang pantao ng kanyang mamamayan.

Upang tuluyang pigilan at patahimikin ang mga taong kumakalaban sa kanya at sa kanyang gobyerno, idineklara ni Marcos ang martial law noong September 21, 1972. Mas pinalawak nito ang kanyang kapangyarihan at ginamitan niya ng kamay na bakal ang lahat ng kanyang pinanghahawakan. Ang dating tinatamasang kalayaan (na tinatapakan na rin bago pa man ang martial law) ng mga Filipino ay lalong ginipit at tuluyang pinawalang-halaga. Ito ay ikinubli bilang pangangalaga sa kapayapaan ng bansa na sa pagtakbo ng panahon ay inabuso ang paggamit. Maraming karapatang-pantao ang binalewala at maraming tao ang basta-basta na lamang dinukot upang mapangalagaan lamang ang pangalan ng unang pamilya sa labas ng bansa at mapanatili sa puwestong kanilang kinauupuan.

Isa sa pinaghawakan ni Marcos ay ang sining kabilang na ang pelikula. Bilang tagahanga ng sining at kagandahan, siniguro ng pangulo at ng kanyang unang ginang na si Imelda na kagandahan lamang ang mangingibabaw sa mga pelikula. Pinintahan ang kapangitan upang maging makintab at maningning kahit pa umaalisangaw ang baho. May mga hindi man kaakit-akit na larawan sa pelikula ay siniguro nitong may kaakibat itong pagtatama sa huli at may aral na pinapahayag.

Naging mahigpit ang rehimen sa mga inilalabas na pelikula. Bago pa man gumiling ang kamera ay siniguro ng pamahalaan na nabasa nila ang iskrip at sinang-ayunan ang nilalaman nito. Ang ganitong paghihigpit marahil ang dahilan kaya naging mas malikhain ang mga manunulat at direktor sa pelikula. Ikinubli nila sa paggamit ng iba-ibang teknik sa pelikula ang nais nilang ipahayag laban sa gobyernong kanilang kinasusuklaman. Hindi ito kapansin-pansin sa mga ordinaryong mata ng mga manonood subalit hindi nakalampas sa mga mapanuring mata at bukas na isipan ng mga kritiko.

Si Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) sa gitna ng tagumpay at pighati

Ang Maynila ay ang sentro ng pamahalaan at komersyalismo sa Pilipinas. Para sa mga taga-probinsya na nagnanais ng magandang buhay, ito ang katuparan ng kanilang mga pangarap. Para sa mga taga-Maynila, ito ay pinamumugaran ng kasalanan at kasawian. Ganito ilarawan madalas ang Maynila sa mga pelikula kabilang na ang obra ni Lino Brocka na Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag noong 1975 sa panulat nina Edgardo Reyes at Clodualdo del Mundo. Ito ay kuwento ni Julio Madiaga (Rafael Roco, Jr.) na nagtungo sa Maynila upang hanapin ang kanyang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel). May ilang taon na ring hindi sumusulat si Ligaya sa kanyang pamilya simula nang irekrut ito ni Mrs. Cruz upang magtrabaho at makapag-aral diumano. Lugar ng oportunidad ang Maynila sa mga naglalayong umasenso sa buhay, ayon kay Mrs. Cruz.

Subalit kinulong ng kani-kanilang mga pangarap sa Maynila sina Julio at Ligaya. Kung anu-anong trabaho ang pinasukan ni Julio upang mapanatili lamang ang sarili sa siyudad at mahanap si Ligaya. Kung anu-ano ring panggigipit ang kanyang tiniis upang makamtan ang kanyang ninanais. Gayundin si Ligaya na pinagkakitaan ni Mrs. Cruz bilang isang puta. Binahay siya ni Ah Tek, tinakot, at kinulong sa sarili niyang kahihiyan. Nang magtagpo ang magkasintahan at naglayong takasan ang Maynila, pinatay ni Ah Tek si Ligaya. Binalikan ni Julio si Ah Tek at naningil ng buhay para kay Ligaya. Subalit ang naging kapalit ng paniningil na ito ni Julio ay ang mismong buhay niya na ang mga tao sa paligid ang kumuha.

Ang ligaya at sakit ng muling pagkikita

Isang malagim na kuwento ng pag-ibig nina Julio at Ligaya ang sinasalaysay ng pelikula. Ito ay mas nakalulungkot pa sa kuwento nina Romeo at Juliet na kinitil ang kani-kanilang buhay upang makapiling ang isa’t isa. Ninais na mabuhay nina Julio at Ligaya. Ang kanilang mga piniling gawin sa buhay ay dulot ng kanilang pagnanasang magkaroon ng magandang kinabukasan. Subalit naging maramot ang tadhana sa kanila. Mga buhay nila ang naging kabayaran sa kanilang mga pangarap.

Pumapagitna sa mga karakter nina Julio at Ligaya ang Maynila. Malaki ang kanyang ginampanan sa pag-iibigan ng dalawa sapagka’t siya ang naghiwalay rito at masasabing siya rin ang nagbuklod muli sa kanila. Sa kabila ng kanyang umuusbong na negosyo at oportunidad para sa kanyang mga mamamayan ay ang mga taong naghihirap na humaharap sa iba-ibang isyu ng korupsiyon, panggigipit, kontrakwalisasyon, prostitusiyon, pagkamkam ng lupaing pagmamay-ari ng iba, pagiging iskwater, hindi pagkakaroon ng sapat na edukasiyon dahil sa kahirapan, at kung anu-ano pa. Ito ang pulitikal na anyo ng lugar na ginagalawan nina Julio at Ligaya na nagkukrus sa kanilang mga personal na buhay. Malaki ang kinalaman ng naturang aspekto sa kinahantungan ng kanilang mga buhay.

Magkagayon man, sa kabila ng hindi magandang imahe ng Maynila na kinabibilangan din ng mga manunulat at direktor ng pelikula, may mga natatanging kuwento na nagbibigay ng liwanag sa Maynila. Nariyan ang pag-ibig ni Julio kay Ligaya na nanatiling tapat at matiisin sa kabila ng paghihirap. Hindi siya kailan man nawalan ng pag-asa na hindi niya matatagpuan si Ligaya. Nang matagpuan niya si Ligaya at nalaman ang kinasadlakan nito, hindi niya ito kinasuklaman at kinahiya bagkus ay mas ninais pang hanguin sa putikan na pinaglubluban nito. Ganito marahil sinasabi ang uri ng pagmamahal na mayroon ang maraming Filipino sa kanyang bansa. Patuloy nila itong minamahal sa kabila ng hindi magagandang nangyayari rito. Hindi sila sumusuko at patuloy na umaasang lalaya rin ito sa kanyang pagkakatali.

Kakikitaan din ng kuwento ng matinding pagkakaibigan sina Julio at Pol (Tommy Abuel) na nagtutulungan at nagbibigayan kahit pa humaharap sa kahirapan. Hindi iniwan ni Pol si Julio sa mga oras na nangangailangan ito ng kaibigang masasandalan. Tinulungan niya rin itong makapaghanap ng trabaho at sinuportahan sa kanyang paghahanap kay Ligaya. Nariyan din ang pagtatagumpay sa pagkakaroon ng mas magandang trabaho na may malaking sahod ng isa sa mga naging kasamahan ni Julio sa konstruksiyon sa pamamagitan ng pagpupunyagi. Itong mga butil ng kuwento ng inspirasyon ang siyang bumubuhay sa mga karakter ng pelikula. Madilim man ang kanilang paligid na kinabibilangan, sila ang nagsisilbing ilaw nito. Ang kanyang mga mamamayan ang maglalabas sa Maynila sa liwanag mula sa dilim kahit pa ang kapalit nito ay ang kanilang mga buhay.

Ang pagkukrus ng kamatayan at paglaya; ng kasawian at kaligayahan; ng impiyerno at kalangitan

Ang Binondo ang isa sa mga lugar na pinangyarihan ng Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag. Dito ay kinulong si Ligaya sa bahay ng isang Tsinoy na nag-angkin sa kanya bilang asawa. Ang Binondo ay napapabilang sa isa sa mga pinakamayamang lungsod sa Maynila kung saan kabi-kabilang mga matatagumpay na negosyo ng Tsinoy ang namamayagpag. Ito ay taliwas sa mga kalapit-bayan niya na laganap ang kahirapan. Para siyang nakahiwalay sa kabuuan ng Maynila. May sariling mundo. May sariling kaganapan. May sariling mga mamamayan.

Ganito maituturing ang compound na tinitirahan ng mga karakter sa Scorpio Nights ni Peque Gallaga noong 1985 sa panulat ni Rosauro dela Cruz. Ito ay nasa mayamang lungsod ng Binondo na tila pinabayaan at kinalimutan na ng may-ari nito. Marami nang sira ang bawat kuwarto at tila unti-unting nabubulok. Subalit naninirahan dito ang iba-iba taong tila hiwalay rin sa ikot ng mundo sa labas ng compound. Ang iba sa kanila’y naghahanap-buhay mismo sa loob ng compound (may nagtitinda at nagwe-welding) at hindi na kailangang lumabas pa. Ang iba sa kanila ay lumalabas lamang kung may ibang pupuntahan, papasok sa paaralan o may hanap-buhay sa labas nito. May sarili rin itong maliit na court na pinaglalaruan ng basketbol ng mga kalalakihan at maluwag na espasyo sa gitna na maaaring takbuhan ng bata. Pinagsasalu-saluhan ng lahat ang iisang banyo na hindi naman isyu sa karamihan. Magkakakilala ang lahat at tila nagtuturingan na magkakaibigan at iisang pamilya. Sa madaling sabi ay isang komunidad na silang maituturing kung saan nasa isang lugar na ang lahat ng kinakailangan.

Isang komunidad man, may nangyayari pa ring inggitan at pagnanasa sa pagmamay-ari ng iba. Ito ang nararamdaman ni Danny (Daniel Fernando) sa tuwing pinanonood niya ang pagtatalik ng mag-asawang nakatira sa ilalim ng kanilang kuwarto. Sinisilip niya ang pagtatalik ng dalawa habang hinahawakan ang sarili upang makaraos. Sa kanyang madalas na pamboboso ay nakabisado na niya ang ritwal ng dalawa. Uuwi ang asawang lalaking nagtatrabaho bilang isang security guard ng alas-tres ng umaga at aabutang tulog na ang asawa. Kakain ito ng hapunan, maglilinis ng katawan, makikipagtalik sa natutulog na asawa, at matutulog.

Isang gabi ay nagkaroon ng pagkakataon si Danny na pasukin ang kuwarto ng mag-asawa. Nagpanggap siyang asawa ng babae at ginawa ang mga kilos na kinagawian ng security guard kabilang na ang pakikipagtalik. Kakaibang tagumpay ang naramdaman ni Danny ng gabing iyon at ninais niyang ulitin. Sa pag-aakalang hindi pansin ng babae ang ibang lalaking gumagamit sa kanya, pinagpatuloy niya ang kanyang ginagawa hanggang iparamdam ng babae na siya ay gising at nais niyang ipagpatuloy ang kanilang pagniniig. Ang dating tila walang kibong babae at passive sa seks ay naging dominante at mapangahas. Pinagpatuloy nila ang kanilang relasyon sa pag-aakalang hindi ito lingid ng asawang lalaki. Nakulong sila sa daigdig ng kanilang pagnanasa sa isa’t isa.

Makalipas ang ilang gabing nagdaan ay umuwi ang lalaki sa aktong nagtatalik ang dalawa. Inilabas niya ang kanyang baril at unang binaril ang lalaking nakapatong sa asawa. Sinunod niyang paputukan ang asawa. Bago malagutan ng hininga ang misis ay nakipagtalik muna siya sa duguang katawan nito. Matapos ay isinubo niya ang baril at kinalabit ang gatilyo nito.

Kung may isang malaking aral na nais iparating ng rehimeng Marcos, ito ay ang kasamaan ay hindi nagtatagumpay. Sa Maynila: Sa Mga Kuko ng Liwanag, ang pagpaslang ni Ah Tek kay Ligaya ay pinagbayaran niya ng kanyang buhay. Ang paghihiganti ni Julio kay Ah Tek ay sinuklian niya ng sarili niyang buhay. Sa Scorpio Nights, ang pagtataksil ni Danny at ng nangangaliwang asawa ay may karampatang parusa gayundin ang ginawang pagkitil ng buhay sa kanila ng security guard. Ito ay kamatayan. Hindi maaaring palampasin ng lipunan ang katiwaliang ginagawa sa kanya o sa mga nasasakupan nito. May katapat na kaparusahan ang sinumang lalabag sa mga alituntunin nito. At sisiguruhin ng kanyang pamahalaan na maipapatupad ang batas ano man ang mangyari (kahit pa sila mismo ang lumabag sa sarili nilang batas).

Sina Danny, ang maybahay, at ang security guard ang tatsulok na pangunahing bumubuo sa pelikula. Sila ang maituturing na tatlong aspekto ng personalidad na ayon kay Sigmund Freud: ang ego, id, at superego. Si Danny ang ego—ang maninimbang. Bago pa man niya tugunan ang pangangailangan ng kanyang katawan ay pinag-aralan niya muna ang kanyang magiging kilos. Inalam niya ang takbo ng kanyang paligid at maingat na kumilos upang makamit ang kanyang layunin. Ang maybahay ang id—ang makamundong pagnanasa. Siya ang sentro ng pagnanasa ni Danny at hindi naman niya ito binigo. Naging mapangahas siya sa binata at dito niya ibinaling ang kanyang kapusukan na umabot sa puntong hindi na niya inisip ang kahahatungan nito. Nagpadala siya sa silakbo ng kanyang damdamin at tawag ng laman. Ang security guard ang supergo—ang konsensya. Malinis ang daang kanyang tinatahak. Hindi baleng siya ay maghirap at magdusa sa ngalan ng matapat na gawain. Hindi niya rin makuhang makipagtalik sa asawa sa ibang posisyon maliban sa misyonero. At nang makaramdam siya ng mali, agad niya itong itinama sa paraang nalalaman niya.

May ganitong estraktura ang pamahalaan. Sa bawat nagkakamaling tao niya ay may tagapag-alala sa mga nararapat niyang gawin—ang simbahan, at may tagatama ng kaniyang kamalian—ang batas ng gobyerno. Makikita rin ito sa tatsulok na binuo sa Maynila… kung saan ang Maynila ang nagsisilbing tuktok sa nag-iibigang sina Julio at Ligaya. Siya ang nakakakita at nakakaalam ng lahat ng pangyayari sa kanyang paligid. Siya rin ang puputol sa mga sungay na sumusuwag sa kanya.

Tila nakahiwalay man sa kabuuan ng mundo, ang compound sa Scorpio Nights ay bahagi pa rin ng isang malaking komunidad. May mga pagkakatong maririnig ang sirena ng sasakyan ng pulis sa labas ng kanilang compound na nagpapatunay na may kaganapan sa labas ng kanilang maliit na mundo. Mayroon ding kuwento ng mga dinudukot na kalalakihang pinaghihinalaang kumakalaban sa pamahalaan. Hindi sila tahasang nakahiwalay sa bansa bagkus ay isa lamang sila sa mga komunidad na bumubuo sa bansa na may sinusunod ding estraktura at batas. Subalit hindi maikakailang katulad ng tila nabubulok na kaanyuan ng compound ay ang nabubulok na moralidad ng mga taong nakatira rito. Tila pinabayaan na sila ng lipunang dapat kumankandili sa kanila at nag-aalaga katulad ng mga nagdarahop na mamamayan ng Pilipinas. Pilit silang itinatago upang mapagtakpan ang baho at dumi ng kapaligiran.

Ang graphic seks bilang isang paksang tinututulan ng Board of Review for Motion Pictures and Television (BRMPT) ay hindi kaaya-aya ang paglalarawan. Pinakita ito sa kanyang madumi, mabaho, at pawisang estado na nauwi sa karumal-dumal na pagwawakas. Subalit ito ring aspekto ng seks ang dahilan na ginamit ng pelikula upang siya ay tangkilin ng manonood.

Hindi natinag ang mga alagad ng pelikula na maipahayag ang kanilang niloloob sa kanilang sining kahit pa sinusupil ang kanilang kalayaan na magpahayag noong rehimen ni Marcos. Ginawa nila ito sa malikhaing pamamaraan. Maraming karahasan at karumal-dumal na pag-apak sa karapatang pantao ang idinulot ng martial law sa bansa, subalit hindi maikakailang naging susi rin ito upang makabuo ng mga hindi matatawarang obra sa pelikula ang mga alagad nito.

Tuesday, April 02, 2013

Ang Magkahawig Subalit Magkaibang Mukha Nina Clarissa at Lupe

Kilala si Maricel Soriano sa pagganap sa tinatawag na "anti-heroine" roles. Ang ganitong klase ng mga bidang babae ay iyong hindi sumusunod sa tradisyonal na values ng lipunan at hindi kakikitaan ng mga positibo at kaaya-ayang pag-uugali (na sinasang-ayunan ng lipunan). Matapang at subersibo; ambiyoso at mayabang; tuso at magulang. Isang babaeng mahirap mahalin at bahaginan ng simpatiya. Ang ganitong iconic role na maituturing ni Maricel ay si Clarissa Rosales mula sa Kaya Kong Abutin ang Langit ni Maryo J. De Los Reyes noong 1984.

Samantala, kilala si Sharon Cuneta sa pelikula sa kanyang nag-uumapaw na sweetness. Puso ang kanyang pinaiiral at hindi ang utak. Isa siyang masunuring anak ng magulang at ng lipunan. Minamahal at pinapaboran ng karamihan. Subalit bilang Guadalupe Velez o Lupe ng Pasan Ko ang Daigdig (Lino Brocka, 1987), tila lumihis siya ng daan. Tumawid sa bakod na madalas ay tinatahak ni Maricel. Nagpang-abot kaya ang kanilang mga daan at nagkaisa o sila ba'y nag-isnaban pagdating sa dulo at nagkanya-kanya?

Parehong nagmula sa hirap sina Clarissa at Lupe. Inaasam-asam nila ang makaalis mula sa pusaling kanilang pinaglalagyan. Sa katunayan ay kinasusuklaman nila ang pagiging mahirap. Kinakahiya nila ang pagkakaroon ng kahit na anong ugnayan sa mundong ito. Hindi ito ang nararapat sa kanila at sinisiguro nilang makakalayo sila rito. Malayo sa dumi at baho. At malayo sa mga taong ang tingin nila ay hindi kauri. Alam nilang mayroon pa silang magandang buhay na patutunguhan.

Hindi sila naniniwala sa pag-ibig. Magiging sagabal lamang ito sa kanilang mga plano. Utak ang kanilang ginagamit upang makausad sa buhay. At hindi sila mahihiyang gumamit ng ibang tao kung kinakailangan upang matupad ang kanilang balakin.

Isang gabi sa Kaya Kong Abutin ang Langit, hinarap ni Nancy (Gina Alajar) ang kapatid niyang si Clarissa na hindi umuwi upang makapiling sila ng kanyang ina sa Noche Buena. Ang hapunang ito ay sumisimbolo ng pagiging buo ng pamilya sa gabi bago ang kapangakan ni Hesus. Subalit sa kaniyang hindi pagsipot, pinaalam na ni Clarissa na hindi siya kaisa ng kanyang pamilya. Mayroon siyang mas mahigit na plano para sa kanyang sarili, at ito ang kaniyang binulalas na siyang kinabigla ng kapatid.


Clarissa: Hindi ako katulad ninyo na kuntento na sa miserableng buhay na 'to. Sawang-sawa na ko sa baho na nakapaligid sa lugar na 'to. Gusto ko nang makawala sa pagbubuhay-daga natin. At walang makakapigil sa akin. Ikaw man o si Inay! Kaya kung mag-ambisyon man ako, karapatan ko 'yun. At pabayaan ninyo ako. Dahil 'pag nagtagal ako pa ako rito, gagalisin ako!"

Si Lupe, matapos magwagi at magkamit ng limang-daang piso mula sa isang singing contest, ay nabuhayan ng loob. Nagkaroon ng linaw ang kanyang mga pangarap. Nagkaroon siya nang higit pang kumpiyansa sa sarili upang tuparin ang kanyang gusto. Kay Carding (Tonton Gutierrez), isang lihim na mangingibig, pinaalam niya ang kanyang damdamin, na ikinadurog ng puso ng lalaki. 


Lupe: Bakit nga ba tayo pinanganak na mahirap? Madalas kong maisip, makakilala lamang ako ng isang lalaking mayaman at ayain niya akong magpakasal, hindi ako magdadalawang-isip. ... Kahit na kailan ay hindi ako mag-aasawa ng mahirap. Hindi sa anupaman. Gusto ko lang makaalis dito. Aalis ako rito kahit anong mangyari. Makakawala rin ako sa lugar na ito, makikita mo.

Parehong naghahangad na yumaman sina Clarissa at Lupe. Nakamit nila ito sa magkaibang paraan. At sa rurok ng tagumpay, magkaibang daan ang kanilang tinahak: isang tungo sa malagim na pagwawakas at isang tungo sa kaligtasan ng kaluluwa.

Pinilit ni Clarissa na mapabilang sa pamilya ng kanyang ninang na si Monina Gargamonte (Liza Lorena). Sa una'y malapit at malambing lamang siya rito. Madalas siyang pumupunta sa tahanan nito hanggang sa tuluyan nang tumira rito. Sa umpisa ay inaanak lamang ang papel niya sa kanila hanggang sa siya ay maging tagapagmana ng lahat ng ari-arian ng pamilya. Ang lahat ng ito ay hindi nangyari ng  kusa. Ito ay pinagplanuhan niyang maigi. Habang unti-unti niyang naisasakatuparan ang kanyang maliliit na balak, unti-unti ring nagpupuyos ang kanyang damdamin upang makamit ang mas malalaki pa hanggang sa umabot sa sudkulan.

 
Mula batya patungong swimming pool

Mula damit na binili sa Quiapo hanggang sa mga designer clothes

Sakim at ganid si Clarissa. Hindi siya nagkasya sa pagiging parte lamang ng pamilyang Gargamonte. Ginusto niyang sa kaniya lamang umikot ang mundo ng kanyang ninong at ninang. Hindi siya nasiyahan sa katunayang siya ang ginawang tagapagmana ng ari-arian ng mag-asawa. Siniguro niyang mapapasakanya na ang mga ito sa lalong madaling panahon. Sa anumang paraan. Ano man ang maging kabayaran.

Sa pagkamatay ng kinakapatid ay naging heredera siya ng Gargamonte

Sa bakasyon sa Baguio ay sinakatuparan niya ang maitim niyang balak

Mula sa singing contest ay pumasok si Lupe sa isang bar bilang mang-aawit. Hindi naging madali sa kanya ang hakbang patungo sa ninanais na tagumpay. Hindi katulad ni Clarissa na may angking tapang ng apog at kakapalan ng pagmumukha simula pagkabata, si Lupe ay pinapangunahan ng kaba sa dibdib. Dahil nagmula sa madumi at mabahong lugar ng Smoky Mountain at walang sapat na pinag-aralan, mababa ang kanyang tingin sa sarili.

Magkagayon man ay determinado siyang patunayan ang kanyang sarili at tuparin ang mga pangarap. Noong una ay Tagalog lamang ang kanyang inaawit subalit sumubok siya ng Ingles upang pasukin ang mundo ng mga may pera at mayayaman. Hindi nagtagal ay siya na ang tinanghal na pangunahing mang-aawit ng bar hanggang sa makilala niya ang lalaking hindi lamang recording contract ang inalok kundi maging marriage contract.

Mula guest singer hanggang maging major singer ng bar

(L) Recording contract | (R) Marriage contract

Tinanggap ni Lupe ang kasal na alok ni Don Ignacio (Mario Montenegro). Hindi siya nagdalawang-isip gayong tanggap nito ang kanyang nakaraan. Hindi na siya kailanman maninirahan sa pusali at magkakalkal ng basura upang mabuhay. Hindi na siya magkakasya sa kakarampot na baryang nakukuha niya sa panglilimos sapagkat nasa kamay na niya ang kayamanang kanyang inaasam.

Ang mga katulad nina Clarissa at Lupe ay madalas na hindi sinasang-ayunan ng pelikula (at ng patriyarkal na lipunan). Tinitingnan sila ng may kunot ang noo at taas ng kilay lalo pa't ginagamit nila ang kanilang pagkababae upang makuha ang gusto sa buhay. Sa lipunang naghahari ang mga lalaki, mayroon silang tiyak na paglalagyan. Mayroon kapalit ang pagyurak nila sa dangal ng kalalakihan. Kung hindi sila nasasabihang hindi karapat-dapat sa kanilang narating ay pinararamdam sa kanila ito. Pinamumukha sa mga katulad nilang nasusuklam sa kanilang pinanggalingan na higit pang kapahamakan ang nararapat sa kanila. At sa kahuli-hulihan ay binabawi rin sa kanila ang mga pangarap na kanilang pinagtagumpayan. Maging ang kanilang mga mahal sa buhay. O sinisingil ng sariling nilang buhay.

(L) Hindi sinipot sa altar si Clarissa ng lalaking kanyang pakakasalan | (R) Pinagtabuyan siya ng kanyang kapatid

(L) Ginahasa si Lupe | (R) Pinatay ang kanyang ina

Sa ganitong pagkakataon, paano magwawakas ang kanilang landas? Sino ang magwawagi? Sino ang hindi patatalo?

Bumaba sa lupa sumandali si Clarissa. Wala siyang pinagsisisihan sapagkat inabot at pinaglaban lamang niya ang kanyang gusto sa buhay. Hindi niya ninais maging mabuti sapagkat ang mabuti ay hindi nararating ang langit na kanyang pinuntahan. Kuntento na lamang sa kung ano ang mayroon sila. Wala nang pinatutunguhan maliban sa putikang pinaglalagakan nila.

Clarissa: Sa buhay may mga taong tumatapak at tinapakan. Ayoko nang tinapatakan ako. Ayoko nang masikip. Ayoko nang walang tubig. Ayoko nang mabaho. Ayoko nang walang pagkain. Ayoko ng putik!

Samantala, hindi pa man nagtatagal sa palasyo si Lupe ay nilisan na niya ito. Napagtanto niyang hindi siya nararapat dito. Nawari niyang hindi talaga ito ang kailangan ng kanyang puso. Mas ikaliligaya niyang makapiling ang kanyang anak sa lalaking nagmamahal na sa kanya noong una pa lamang (kahit pa sinalbahe siya nito upang pigilang mangarap nang mataas).

Lupe: Anuman ang gawin ko, balutin man ako ng ginto at pera, hindi ko matatalikuran ang pinagmulan ko. Akala ko noon ay maibabalik ko ang pagkatao ko kung magkakapera ako. Hindi rin pala.

Tinalikuran ni Lupe ang kanyang yaman samantalang yaman ang tumalikod kay Clarissa. Pinalaya si Lupe ng kanyang mga pangarap samantalang ikunulong nito si Clarissa. Nabuksan ang puso ni Lupe sa pagmamahal ng iba subalit nanatiling sarili lamang ni Clarissa ang kanyang mahal.

Kaninong buhay ang nauwi sa trahedya? Kay Clarissa ba na namatay kapiling ang kanyang mga pangarap o kay Lupe na tinalikdan ito? Sino ang tunay na nagwagi sa laban ng buhay? Si Clarissa ba na sinugal ang pagkatao o si Lupe na sumuko sa pagkatalo? Sino ang naging talunan? Si Clarissa ba na makamtan ang tugatog ng tagumpay o si Lupe na natakot abutin ang pinakataas?

Dalawang babaeng hinubog sa iisang hulmahan. Anti-heroine na maituturing. Isang matapang na nagpatuloy sa daang madilim at isang nangiming magpakasama-sama. Isang suwail na anak ng lipunang nagpakalayo-layo nang lubusan at isang nagbabalik nang may pagsusumamo. Isang taas-kilay na nagmamalaki at isang nagpapakumbaba. Isang Maricel Soriano at isang Sharon Cuneta. Sa pelikula.

Sino ang iyong papanigan?

(L) Nagmula sa tubig. | (R) Nagwakas sa tubig

(L) Nagsimula sa awiting Filipino | (R) Nagtapos sa awiting Filipino

Sunday, March 31, 2013

Ang Asawa at ang Kerida sa "Kahit Wala Ka Na" (Borlaza, 1989)

Hinatid si Patrick (Richard Gomez) ng kanyang sekretaryang si Debbie (Cherie Gil) pauwi sa kanyang bahay. Desididong ayaw pang tapusin ang gabi, nagpumilit na pumasok si Debbie sa loob ng bahay. Tumanggi si Patrick, subalit sadyang mapilit si Debbie kaya pinagbigyan niya rin ito. Ang asawang si Irene (Sharon Cuneta) ang sumalubong sa kanila. Gamit ang alibi na mayroon lamang kukunin na papeles si Debbie, hinayaan ni Irene ang pagpasok nito sa kanilang tahanan kahit pa alam niyang may namamagitan dito at sa kanyang asawa. Hindi na rin naman lingid sa kaalaman niya kung gaano kapalikero ang kanyang asawa. Nagtitiis na lamang siya, subalit alam niyang may hangganan din siya.

Sa loob ng kwarto ng mag-asawang Patrick at Irene kung saan natutulog ang anak nilang si Jopet (Simon Soler), sinarado ni Debbie ang pintuan upang makatalik si Patrick. Hindi niya alintana na katabi lamang nila ang bata at maaaring magising anumang oras. Bakit nga ba naman siya magpipigil kung gayong ang sariling ama nito ay hindi nag-alala?

Nakatunog si Irene. Kinuha niya ang susi at binuksan ang silid. Naabutan niyang magkatabi sina Patrick at Debbie. Bukas ang butones ng polo ng asawa.


Nagpaalam si Debbie, subalit siniguro ni Irene na makakatikim ito sa kanya.

"Leche kang kaladkarin ka. Kung gusto mong magsabog ng lagim, huwag dito sa loob ng bahay ko. Hindi dito sa kuwarto ko at lalong hindi dito sa kama ko!"

Ganito rin ang inabot sa kanya ng kanyang asawa.

"Lalayas ka ba o gusto mong iturok ko ito sa tiyan mo? O baka naman gusto mong matulog para paggising mo sa umaga, putol na 'yang pagkalalaki mo?"

Umabot na sa sukdulan si Irene. Hindi na siya maaaring magsawalang-kibo sa pagsasalaulang ginagawa sa kanya ni Patrick lalo pa't umabot na sa puntong wala na itong kahihiyan maging sa sariling anak. Kailangan niyang pangalagaan hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanilang anak.

Nagdesisyon siyang iwan ang kanilang tirahan. Hindi siya tuluyang makakalayo sa pait ng alaalang dulot ng relasyon niya kay Patrick kung siya ay patuloy na mananatili rito. Baka hindi rin siya tuluyang makabitaw kung sakaling balikan siya ng asawa.

Malaki ang kinalaman ng paglalaro ng light at shadow sa eksenang ito sa kanan na kuha ni Romeo Vitug. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Madilim ang tatahakin niyang daan, subalit malinaw sa kanya na ito ang nararapat niyang gawin. Nakatingin siya sa kanyang natutulog na anak na tila sinasabing siya ang pagkukunan niya ng liwanag. Siya ang kanyang magiging lakas.

Nagsimulang muli sa buhay si Irene. Mahirap sa simula lalo pa't walang nagtitiwalang magagawa niya ito maging ang kanyang pamilya, subalit kinaya niya. Pinatuyang kaya niyang tumayo sa sariling mga paa, at hindi aasang sasagipin ng asawa katulad ng siya ay mabuntis nito noong 16 years old pa lamang.

Bukod sa pagdududang nakukuha niya sa paligid, self-doubt at insecurities din ang kanyang kinakalaban. Bakit nagawa siyang lokohin ng kanyang asawa? Ano ang mali sa kanya? Ano ang kanyang pagkukulang? Kasalanan ba niya kung bakit nawalan ng amor ang asawa sa kanya?

Ito ang higit na lumulupig at nagpapahina sa isang taong pinagtaksilan ng kabiyak. Paulit-ulit itong manggugulo sa isipan at babagabag sa damdamin. Tila isang aninong palaging nakasunod upang ipaalala ang maaaring naging kahinaan bilang kabiyak at maging bilang isang tao. Ang dangal na niyurakan ay unti-unting pupulutin sa putikan hanggang sa makabangon muli.

Dagdag pa sa pangsariling suliranin ay ang mga lalaking nakapaligid kay Irene. Natutunan man niyang alagaan muli ang sarili at magmukhang kaaya-aya, napalibutan naman siya ng mga lalaking mapagsamantala. Mga lalaking may iba-ibang hangarin sa kanya na susubok sa kanyang katatagan at pagkatao. Mga lalaking bubuyuin siyang bumigay sa kanila o manatiling nakatayong mag-isa.

Nandiyan si Boni (Tonton Gutierrez), isang kapitbahay. Siya ang unang lalaki na nagbigay proteksyon sa kanya noong tangkain siyang bastusin ng mga lasenggong kapitbahay. Nagpakita ito ng malasakit sa anak bukod pa sa binibigay nitong pansin sa kanya na matagal nang pinagkait ni Patrick sa kanya. Malungkot ang mag-isa. Ngunit kailangan niya ring manimbang. Si Boni ba ang nararapat na maging kapalit ng kanyang asawa gayong wala namang itong trabaho? Sapat na bang magkasundo sila ng kanyang anak? Puso bang muli ang kanyang paiiralin? Bibigay ba siya sa lungkot ng pag-iisa?

Ang kaopisinang si Anton (Ronald Jayme): gwapo, simpatiko, at handang makinig. Siya ang ikalawang lalaki na naka-date niya sa tanang buhay niya. Si Patrick ang kanyang unang kasintahan na naging asawa kinalaunan kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maka-date ang iba. Subalit sa likod ng facade ni Anton ay ang makamundong pagnanasa. Maaaring malungkot siya, subalit hindi sa puntong ibibigay niya kaagad ang sarili sa unang lalaking magbabalak na siya'y angkinin. Hindi init ng katawan ang kasagutan sa kanyang mga katananungan. Hindi siya magpapakagaga at magpapadalang muli sa mapusok na damdaming nagdala sa kanya sa kinasangkutang posisyon ngayon: ang maagang pag-aasawa dahil sa pagbubuntis at ngayo'y hiwalay sa asawa.

Ang boss na si Red (Tommy Abuel): matalino, mayaman, hiwalay sa asawa, at katulad niyang malungkot din. Companion sa buhay ang hanap ni Red. Magaan ang loob niya kay Irene at nais niya itong maging katuwang sa buhay. Seguridad ang maaaring ibigay nito sa kanya na hindi niya pinaghahawakan sa kanyang kalagayan sa panahong iyon. First year college lamang ang kanyang natapos kaya alam niyang maaaring hindi malayo ang kanyang marating sa workforce. Pagiging praktikal ba ang magpapabago ng kanyang buhay? Utak ba ang dapat gamitin at hindi ang puso gayong sa pagtakbo ng panahon ay lumalaki ang pangangailan ng anak? Utak ang ba ang maglalayo sa kanya sa sakit ng pakikipagrelasyon?

Sa kabilang banda ay maligayang-maligaya si Debbie. Nakuha niya ang kanyang inaasam-asam na si Patrick. Hindi siya basta naghintay na lamang na mapasakamay ito, bagkus ay gumawa siya ng paraan upang makuha ito. Taliwas kay Irene na may pagdududa sa sarili kung makukuha niya ang kanyang nais sa buhay, confident si Debbie sa kanyang hangarin.

Nagsama sila ni Patrick sa kanyang bahay at nag-astang asawa. Isa ito sa pinakamaling nagawa niya sa relasyon nila ni Patrick. Sa oras na nakaramdam si Patrick nang pagkasakal, nagpumiglas ito ng katulad nang ginawa niya sa relasyon nila ni Irene.

Ang keridang pakiramdam ay asawa ang siyang nakaramdam ng dinanas ng tunay na asawa noon. Hindi siya naging kuntento bilang kerida. Ginusto niyang palitan ang asawa. At ang pait ng pagiging asawa ang sa kanya'y pinaramdam. Ang siyang dating tumatanggap ng atensiyon ang siya namang nanglilimos nito. Ang dating siyang dahilan ng pagloloko ang siya namang niloloko. Ang dating may mataas na pagtingin sa sarili ang siya namang naninikluhod. What goes around comes around, 'ika nga. Hindi niya ito malalagpasan ang cycle na ito kung patuloy siyang kakapit sa kamandag ni Patrick. At hanggang sa huli ay bumubuntot-buntot pa rin siya kay Patrick at tuluyan nang nawalan ng respeto sa sarili dahil sa pagkahumaling sa lalaki.

Sa ganitong pagkakataon, sino ang tunay na may confidence at sino ang wala? Sino ang buo ang pagkatao at sino ang may pinupunan? Sino ang may pagmamahal sa sarili at sino ang nagkukulang?

Minsan ay nagkitang muli sina Irene at Patrick. Kasama ang kanyang ina, sinundo ni Patrick ang anak nang walang paalam sa dating asawa. Hindi pumayag si Irene. Nauwi sa pagtatalo at pag-aaway ang kanilang naging diskusiyon sa harap ni Jopet. Gulong-gulo, tumakbo si Jopet palayo sa kanila at pumunta sa isang mataas na lugar kung saan siya madalas na dalhin ng kanyang tito Boni.

Nauwi ito sa malagim na pangyayari. Isang tagpo na nagpapatunay lamang na ang anak ang unang nagdurusa sa tuwing witness siya sa pag-aaway ng magulang. May mga pagkakataong pakiramdam nito ay siya ang dahilan ng away at lubhang masakit ito para sa kanya. Habang nagtatalo ang magulang, ang anak ang naiipit sa gitna. Habang pilit na pinag-aagawan ang anak, lalo lamang nitong gustong kumawala sa kanila.


Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Irene. Ano pa ang kanyang gagawin kung ang nag-iisang lalaki sa kanyang buhay na nagpapatatag ng kanyang loob ay wala na? Saan na siya tutungo kung ang dahilan ng lahat ng kanyang pagsisikap ay kinuha na sa kanya? Tuluyan na siyang makukulong sa mundo ng pagkamuhi sa sarili at kawalang direksiyon.

Mabigat ang papel na ginampanan ng pagkawala ni Jopet sa buhay ni Irene. Dahil sa pangyayaring ito ay namulat ang kanyang isipan na hindi niya kailangan ng lalaki upang mabuhay. Hindi niya kailangan ng katuwang sa buhay upang maging masaya. Hindi niya kailangan ng kasama upang maging buo ang pagkatao. Kaya pilit mang bumabalik sa kanya ang asawa ay hindi niya ito tinanggap. Sa pagkawala ni Jopet ay nahanap niya ang kanyang sarili. Si Jopet na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong ang siya ring nagpalaya sa kanya.