Thursday, February 14, 2008

Palabas Na: Endo!

Inaanyayahan ko po kayong manood ng isang maliit na pelikulang pinamagatang Endo. Maliit man po siyang maituturing ay malaki naman ang kanyang puso at marami siyang sinasabi tungkol sa estado ng kabuhayan at pakikipagrelasyon ng mga kabataan sa ngayon. Isa itong pelikulang naglalaman ng komentong panlipunan na nababalot sa isang kakilig-kilig na romansa mula sa mga pangunahin nitong mga karakter. Maari rin sabihing isa itong romantikong pelikula na nagtatago sa isang makabuluhang salaysay tungkol sa maliliit nating kababayan na kadalasan ay hindi natin pinapansin. (Minsan ko na ngang nabanggit sa blog kong ito na makakasama ba kung batiin mo sila matapos ka nilang batiin sa iyong pagpasok sa kanilang tindahan? Masyado bang mahirap sa 'yo ang kahit tumango o ngumiti lamang sa kanila?)

Sinisiguro ko pong hindi n'yo pagsisisihan ang panonood nito. Inirerekomenda ko ito sa mga Pinoy na hanggang ngayo'y nabubuhay sa kinang ng pelikula ng dekada '70. Sila na kadalasan ay humihingi ng matinong pelikula sa industriya gayong kay tagal-tagal na silang hindi tumutungtong sa loob ng sinehan na may pelikulang Pinoy na panoorin. Kaya naman paano nila nasabing puro latak ang inilalabas ng industriya sa ngayon? Kapag may kapuri-puri namang pelikulang inilalabas ay hindi sila mahagilap. Ito na po ang pagkakataon para magbayad ng isang daang piso para sa isang pelikulang Pilipino. Magbahagi naman kayo ng inyong kaperahan sa industriya at 'wag puro suporta sa mga naglalakihang Hollywood na pelikula. Maipagmamalaki po natin ito! Pramis!

Kaya naman kapag dumating ang panahon na ako'y may pelikula na, suportahan n'yo rin sana. *wink wink*

Ang Endo ay palabas sa mga sumusunod na sinehan: SM (Megamall, North Edsa, Manila, Southmall, Fairview, Centerpoint), Ayala (Glorietta 4), at Gateway.




No comments: