Tuesday, April 02, 2013

Ang Magkahawig Subalit Magkaibang Mukha Nina Clarissa at Lupe

Kilala si Maricel Soriano sa pagganap sa tinatawag na "anti-heroine" roles. Ang ganitong klase ng mga bidang babae ay iyong hindi sumusunod sa tradisyonal na values ng lipunan at hindi kakikitaan ng mga positibo at kaaya-ayang pag-uugali (na sinasang-ayunan ng lipunan). Matapang at subersibo; ambiyoso at mayabang; tuso at magulang. Isang babaeng mahirap mahalin at bahaginan ng simpatiya. Ang ganitong iconic role na maituturing ni Maricel ay si Clarissa Rosales mula sa Kaya Kong Abutin ang Langit ni Maryo J. De Los Reyes noong 1984.

Samantala, kilala si Sharon Cuneta sa pelikula sa kanyang nag-uumapaw na sweetness. Puso ang kanyang pinaiiral at hindi ang utak. Isa siyang masunuring anak ng magulang at ng lipunan. Minamahal at pinapaboran ng karamihan. Subalit bilang Guadalupe Velez o Lupe ng Pasan Ko ang Daigdig (Lino Brocka, 1987), tila lumihis siya ng daan. Tumawid sa bakod na madalas ay tinatahak ni Maricel. Nagpang-abot kaya ang kanilang mga daan at nagkaisa o sila ba'y nag-isnaban pagdating sa dulo at nagkanya-kanya?

Parehong nagmula sa hirap sina Clarissa at Lupe. Inaasam-asam nila ang makaalis mula sa pusaling kanilang pinaglalagyan. Sa katunayan ay kinasusuklaman nila ang pagiging mahirap. Kinakahiya nila ang pagkakaroon ng kahit na anong ugnayan sa mundong ito. Hindi ito ang nararapat sa kanila at sinisiguro nilang makakalayo sila rito. Malayo sa dumi at baho. At malayo sa mga taong ang tingin nila ay hindi kauri. Alam nilang mayroon pa silang magandang buhay na patutunguhan.

Hindi sila naniniwala sa pag-ibig. Magiging sagabal lamang ito sa kanilang mga plano. Utak ang kanilang ginagamit upang makausad sa buhay. At hindi sila mahihiyang gumamit ng ibang tao kung kinakailangan upang matupad ang kanilang balakin.

Isang gabi sa Kaya Kong Abutin ang Langit, hinarap ni Nancy (Gina Alajar) ang kapatid niyang si Clarissa na hindi umuwi upang makapiling sila ng kanyang ina sa Noche Buena. Ang hapunang ito ay sumisimbolo ng pagiging buo ng pamilya sa gabi bago ang kapangakan ni Hesus. Subalit sa kaniyang hindi pagsipot, pinaalam na ni Clarissa na hindi siya kaisa ng kanyang pamilya. Mayroon siyang mas mahigit na plano para sa kanyang sarili, at ito ang kaniyang binulalas na siyang kinabigla ng kapatid.


Clarissa: Hindi ako katulad ninyo na kuntento na sa miserableng buhay na 'to. Sawang-sawa na ko sa baho na nakapaligid sa lugar na 'to. Gusto ko nang makawala sa pagbubuhay-daga natin. At walang makakapigil sa akin. Ikaw man o si Inay! Kaya kung mag-ambisyon man ako, karapatan ko 'yun. At pabayaan ninyo ako. Dahil 'pag nagtagal ako pa ako rito, gagalisin ako!"

Si Lupe, matapos magwagi at magkamit ng limang-daang piso mula sa isang singing contest, ay nabuhayan ng loob. Nagkaroon ng linaw ang kanyang mga pangarap. Nagkaroon siya nang higit pang kumpiyansa sa sarili upang tuparin ang kanyang gusto. Kay Carding (Tonton Gutierrez), isang lihim na mangingibig, pinaalam niya ang kanyang damdamin, na ikinadurog ng puso ng lalaki. 


Lupe: Bakit nga ba tayo pinanganak na mahirap? Madalas kong maisip, makakilala lamang ako ng isang lalaking mayaman at ayain niya akong magpakasal, hindi ako magdadalawang-isip. ... Kahit na kailan ay hindi ako mag-aasawa ng mahirap. Hindi sa anupaman. Gusto ko lang makaalis dito. Aalis ako rito kahit anong mangyari. Makakawala rin ako sa lugar na ito, makikita mo.

Parehong naghahangad na yumaman sina Clarissa at Lupe. Nakamit nila ito sa magkaibang paraan. At sa rurok ng tagumpay, magkaibang daan ang kanilang tinahak: isang tungo sa malagim na pagwawakas at isang tungo sa kaligtasan ng kaluluwa.

Pinilit ni Clarissa na mapabilang sa pamilya ng kanyang ninang na si Monina Gargamonte (Liza Lorena). Sa una'y malapit at malambing lamang siya rito. Madalas siyang pumupunta sa tahanan nito hanggang sa tuluyan nang tumira rito. Sa umpisa ay inaanak lamang ang papel niya sa kanila hanggang sa siya ay maging tagapagmana ng lahat ng ari-arian ng pamilya. Ang lahat ng ito ay hindi nangyari ng  kusa. Ito ay pinagplanuhan niyang maigi. Habang unti-unti niyang naisasakatuparan ang kanyang maliliit na balak, unti-unti ring nagpupuyos ang kanyang damdamin upang makamit ang mas malalaki pa hanggang sa umabot sa sudkulan.

 
Mula batya patungong swimming pool

Mula damit na binili sa Quiapo hanggang sa mga designer clothes

Sakim at ganid si Clarissa. Hindi siya nagkasya sa pagiging parte lamang ng pamilyang Gargamonte. Ginusto niyang sa kaniya lamang umikot ang mundo ng kanyang ninong at ninang. Hindi siya nasiyahan sa katunayang siya ang ginawang tagapagmana ng ari-arian ng mag-asawa. Siniguro niyang mapapasakanya na ang mga ito sa lalong madaling panahon. Sa anumang paraan. Ano man ang maging kabayaran.

Sa pagkamatay ng kinakapatid ay naging heredera siya ng Gargamonte

Sa bakasyon sa Baguio ay sinakatuparan niya ang maitim niyang balak

Mula sa singing contest ay pumasok si Lupe sa isang bar bilang mang-aawit. Hindi naging madali sa kanya ang hakbang patungo sa ninanais na tagumpay. Hindi katulad ni Clarissa na may angking tapang ng apog at kakapalan ng pagmumukha simula pagkabata, si Lupe ay pinapangunahan ng kaba sa dibdib. Dahil nagmula sa madumi at mabahong lugar ng Smoky Mountain at walang sapat na pinag-aralan, mababa ang kanyang tingin sa sarili.

Magkagayon man ay determinado siyang patunayan ang kanyang sarili at tuparin ang mga pangarap. Noong una ay Tagalog lamang ang kanyang inaawit subalit sumubok siya ng Ingles upang pasukin ang mundo ng mga may pera at mayayaman. Hindi nagtagal ay siya na ang tinanghal na pangunahing mang-aawit ng bar hanggang sa makilala niya ang lalaking hindi lamang recording contract ang inalok kundi maging marriage contract.

Mula guest singer hanggang maging major singer ng bar

(L) Recording contract | (R) Marriage contract

Tinanggap ni Lupe ang kasal na alok ni Don Ignacio (Mario Montenegro). Hindi siya nagdalawang-isip gayong tanggap nito ang kanyang nakaraan. Hindi na siya kailanman maninirahan sa pusali at magkakalkal ng basura upang mabuhay. Hindi na siya magkakasya sa kakarampot na baryang nakukuha niya sa panglilimos sapagkat nasa kamay na niya ang kayamanang kanyang inaasam.

Ang mga katulad nina Clarissa at Lupe ay madalas na hindi sinasang-ayunan ng pelikula (at ng patriyarkal na lipunan). Tinitingnan sila ng may kunot ang noo at taas ng kilay lalo pa't ginagamit nila ang kanilang pagkababae upang makuha ang gusto sa buhay. Sa lipunang naghahari ang mga lalaki, mayroon silang tiyak na paglalagyan. Mayroon kapalit ang pagyurak nila sa dangal ng kalalakihan. Kung hindi sila nasasabihang hindi karapat-dapat sa kanilang narating ay pinararamdam sa kanila ito. Pinamumukha sa mga katulad nilang nasusuklam sa kanilang pinanggalingan na higit pang kapahamakan ang nararapat sa kanila. At sa kahuli-hulihan ay binabawi rin sa kanila ang mga pangarap na kanilang pinagtagumpayan. Maging ang kanilang mga mahal sa buhay. O sinisingil ng sariling nilang buhay.

(L) Hindi sinipot sa altar si Clarissa ng lalaking kanyang pakakasalan | (R) Pinagtabuyan siya ng kanyang kapatid

(L) Ginahasa si Lupe | (R) Pinatay ang kanyang ina

Sa ganitong pagkakataon, paano magwawakas ang kanilang landas? Sino ang magwawagi? Sino ang hindi patatalo?

Bumaba sa lupa sumandali si Clarissa. Wala siyang pinagsisisihan sapagkat inabot at pinaglaban lamang niya ang kanyang gusto sa buhay. Hindi niya ninais maging mabuti sapagkat ang mabuti ay hindi nararating ang langit na kanyang pinuntahan. Kuntento na lamang sa kung ano ang mayroon sila. Wala nang pinatutunguhan maliban sa putikang pinaglalagakan nila.

Clarissa: Sa buhay may mga taong tumatapak at tinapakan. Ayoko nang tinapatakan ako. Ayoko nang masikip. Ayoko nang walang tubig. Ayoko nang mabaho. Ayoko nang walang pagkain. Ayoko ng putik!

Samantala, hindi pa man nagtatagal sa palasyo si Lupe ay nilisan na niya ito. Napagtanto niyang hindi siya nararapat dito. Nawari niyang hindi talaga ito ang kailangan ng kanyang puso. Mas ikaliligaya niyang makapiling ang kanyang anak sa lalaking nagmamahal na sa kanya noong una pa lamang (kahit pa sinalbahe siya nito upang pigilang mangarap nang mataas).

Lupe: Anuman ang gawin ko, balutin man ako ng ginto at pera, hindi ko matatalikuran ang pinagmulan ko. Akala ko noon ay maibabalik ko ang pagkatao ko kung magkakapera ako. Hindi rin pala.

Tinalikuran ni Lupe ang kanyang yaman samantalang yaman ang tumalikod kay Clarissa. Pinalaya si Lupe ng kanyang mga pangarap samantalang ikunulong nito si Clarissa. Nabuksan ang puso ni Lupe sa pagmamahal ng iba subalit nanatiling sarili lamang ni Clarissa ang kanyang mahal.

Kaninong buhay ang nauwi sa trahedya? Kay Clarissa ba na namatay kapiling ang kanyang mga pangarap o kay Lupe na tinalikdan ito? Sino ang tunay na nagwagi sa laban ng buhay? Si Clarissa ba na sinugal ang pagkatao o si Lupe na sumuko sa pagkatalo? Sino ang naging talunan? Si Clarissa ba na makamtan ang tugatog ng tagumpay o si Lupe na natakot abutin ang pinakataas?

Dalawang babaeng hinubog sa iisang hulmahan. Anti-heroine na maituturing. Isang matapang na nagpatuloy sa daang madilim at isang nangiming magpakasama-sama. Isang suwail na anak ng lipunang nagpakalayo-layo nang lubusan at isang nagbabalik nang may pagsusumamo. Isang taas-kilay na nagmamalaki at isang nagpapakumbaba. Isang Maricel Soriano at isang Sharon Cuneta. Sa pelikula.

Sino ang iyong papanigan?

(L) Nagmula sa tubig. | (R) Nagwakas sa tubig

(L) Nagsimula sa awiting Filipino | (R) Nagtapos sa awiting Filipino

Sunday, March 31, 2013

Ang Asawa at ang Kerida sa "Kahit Wala Ka Na" (Borlaza, 1989)

Hinatid si Patrick (Richard Gomez) ng kanyang sekretaryang si Debbie (Cherie Gil) pauwi sa kanyang bahay. Desididong ayaw pang tapusin ang gabi, nagpumilit na pumasok si Debbie sa loob ng bahay. Tumanggi si Patrick, subalit sadyang mapilit si Debbie kaya pinagbigyan niya rin ito. Ang asawang si Irene (Sharon Cuneta) ang sumalubong sa kanila. Gamit ang alibi na mayroon lamang kukunin na papeles si Debbie, hinayaan ni Irene ang pagpasok nito sa kanilang tahanan kahit pa alam niyang may namamagitan dito at sa kanyang asawa. Hindi na rin naman lingid sa kaalaman niya kung gaano kapalikero ang kanyang asawa. Nagtitiis na lamang siya, subalit alam niyang may hangganan din siya.

Sa loob ng kwarto ng mag-asawang Patrick at Irene kung saan natutulog ang anak nilang si Jopet (Simon Soler), sinarado ni Debbie ang pintuan upang makatalik si Patrick. Hindi niya alintana na katabi lamang nila ang bata at maaaring magising anumang oras. Bakit nga ba naman siya magpipigil kung gayong ang sariling ama nito ay hindi nag-alala?

Nakatunog si Irene. Kinuha niya ang susi at binuksan ang silid. Naabutan niyang magkatabi sina Patrick at Debbie. Bukas ang butones ng polo ng asawa.


Nagpaalam si Debbie, subalit siniguro ni Irene na makakatikim ito sa kanya.

"Leche kang kaladkarin ka. Kung gusto mong magsabog ng lagim, huwag dito sa loob ng bahay ko. Hindi dito sa kuwarto ko at lalong hindi dito sa kama ko!"

Ganito rin ang inabot sa kanya ng kanyang asawa.

"Lalayas ka ba o gusto mong iturok ko ito sa tiyan mo? O baka naman gusto mong matulog para paggising mo sa umaga, putol na 'yang pagkalalaki mo?"

Umabot na sa sukdulan si Irene. Hindi na siya maaaring magsawalang-kibo sa pagsasalaulang ginagawa sa kanya ni Patrick lalo pa't umabot na sa puntong wala na itong kahihiyan maging sa sariling anak. Kailangan niyang pangalagaan hindi lamang ang kanyang sarili kundi ang kanilang anak.

Nagdesisyon siyang iwan ang kanilang tirahan. Hindi siya tuluyang makakalayo sa pait ng alaalang dulot ng relasyon niya kay Patrick kung siya ay patuloy na mananatili rito. Baka hindi rin siya tuluyang makabitaw kung sakaling balikan siya ng asawa.

Malaki ang kinalaman ng paglalaro ng light at shadow sa eksenang ito sa kanan na kuha ni Romeo Vitug. Hindi niya alam ang susunod niyang gagawin. Madilim ang tatahakin niyang daan, subalit malinaw sa kanya na ito ang nararapat niyang gawin. Nakatingin siya sa kanyang natutulog na anak na tila sinasabing siya ang pagkukunan niya ng liwanag. Siya ang kanyang magiging lakas.

Nagsimulang muli sa buhay si Irene. Mahirap sa simula lalo pa't walang nagtitiwalang magagawa niya ito maging ang kanyang pamilya, subalit kinaya niya. Pinatuyang kaya niyang tumayo sa sariling mga paa, at hindi aasang sasagipin ng asawa katulad ng siya ay mabuntis nito noong 16 years old pa lamang.

Bukod sa pagdududang nakukuha niya sa paligid, self-doubt at insecurities din ang kanyang kinakalaban. Bakit nagawa siyang lokohin ng kanyang asawa? Ano ang mali sa kanya? Ano ang kanyang pagkukulang? Kasalanan ba niya kung bakit nawalan ng amor ang asawa sa kanya?

Ito ang higit na lumulupig at nagpapahina sa isang taong pinagtaksilan ng kabiyak. Paulit-ulit itong manggugulo sa isipan at babagabag sa damdamin. Tila isang aninong palaging nakasunod upang ipaalala ang maaaring naging kahinaan bilang kabiyak at maging bilang isang tao. Ang dangal na niyurakan ay unti-unting pupulutin sa putikan hanggang sa makabangon muli.

Dagdag pa sa pangsariling suliranin ay ang mga lalaking nakapaligid kay Irene. Natutunan man niyang alagaan muli ang sarili at magmukhang kaaya-aya, napalibutan naman siya ng mga lalaking mapagsamantala. Mga lalaking may iba-ibang hangarin sa kanya na susubok sa kanyang katatagan at pagkatao. Mga lalaking bubuyuin siyang bumigay sa kanila o manatiling nakatayong mag-isa.

Nandiyan si Boni (Tonton Gutierrez), isang kapitbahay. Siya ang unang lalaki na nagbigay proteksyon sa kanya noong tangkain siyang bastusin ng mga lasenggong kapitbahay. Nagpakita ito ng malasakit sa anak bukod pa sa binibigay nitong pansin sa kanya na matagal nang pinagkait ni Patrick sa kanya. Malungkot ang mag-isa. Ngunit kailangan niya ring manimbang. Si Boni ba ang nararapat na maging kapalit ng kanyang asawa gayong wala namang itong trabaho? Sapat na bang magkasundo sila ng kanyang anak? Puso bang muli ang kanyang paiiralin? Bibigay ba siya sa lungkot ng pag-iisa?

Ang kaopisinang si Anton (Ronald Jayme): gwapo, simpatiko, at handang makinig. Siya ang ikalawang lalaki na naka-date niya sa tanang buhay niya. Si Patrick ang kanyang unang kasintahan na naging asawa kinalaunan kaya hindi siya nagkaroon ng pagkakataong maka-date ang iba. Subalit sa likod ng facade ni Anton ay ang makamundong pagnanasa. Maaaring malungkot siya, subalit hindi sa puntong ibibigay niya kaagad ang sarili sa unang lalaking magbabalak na siya'y angkinin. Hindi init ng katawan ang kasagutan sa kanyang mga katananungan. Hindi siya magpapakagaga at magpapadalang muli sa mapusok na damdaming nagdala sa kanya sa kinasangkutang posisyon ngayon: ang maagang pag-aasawa dahil sa pagbubuntis at ngayo'y hiwalay sa asawa.

Ang boss na si Red (Tommy Abuel): matalino, mayaman, hiwalay sa asawa, at katulad niyang malungkot din. Companion sa buhay ang hanap ni Red. Magaan ang loob niya kay Irene at nais niya itong maging katuwang sa buhay. Seguridad ang maaaring ibigay nito sa kanya na hindi niya pinaghahawakan sa kanyang kalagayan sa panahong iyon. First year college lamang ang kanyang natapos kaya alam niyang maaaring hindi malayo ang kanyang marating sa workforce. Pagiging praktikal ba ang magpapabago ng kanyang buhay? Utak ba ang dapat gamitin at hindi ang puso gayong sa pagtakbo ng panahon ay lumalaki ang pangangailan ng anak? Utak ang ba ang maglalayo sa kanya sa sakit ng pakikipagrelasyon?

Sa kabilang banda ay maligayang-maligaya si Debbie. Nakuha niya ang kanyang inaasam-asam na si Patrick. Hindi siya basta naghintay na lamang na mapasakamay ito, bagkus ay gumawa siya ng paraan upang makuha ito. Taliwas kay Irene na may pagdududa sa sarili kung makukuha niya ang kanyang nais sa buhay, confident si Debbie sa kanyang hangarin.

Nagsama sila ni Patrick sa kanyang bahay at nag-astang asawa. Isa ito sa pinakamaling nagawa niya sa relasyon nila ni Patrick. Sa oras na nakaramdam si Patrick nang pagkasakal, nagpumiglas ito ng katulad nang ginawa niya sa relasyon nila ni Irene.

Ang keridang pakiramdam ay asawa ang siyang nakaramdam ng dinanas ng tunay na asawa noon. Hindi siya naging kuntento bilang kerida. Ginusto niyang palitan ang asawa. At ang pait ng pagiging asawa ang sa kanya'y pinaramdam. Ang siyang dating tumatanggap ng atensiyon ang siya namang nanglilimos nito. Ang dating siyang dahilan ng pagloloko ang siya namang niloloko. Ang dating may mataas na pagtingin sa sarili ang siya namang naninikluhod. What goes around comes around, 'ika nga. Hindi niya ito malalagpasan ang cycle na ito kung patuloy siyang kakapit sa kamandag ni Patrick. At hanggang sa huli ay bumubuntot-buntot pa rin siya kay Patrick at tuluyan nang nawalan ng respeto sa sarili dahil sa pagkahumaling sa lalaki.

Sa ganitong pagkakataon, sino ang tunay na may confidence at sino ang wala? Sino ang buo ang pagkatao at sino ang may pinupunan? Sino ang may pagmamahal sa sarili at sino ang nagkukulang?

Minsan ay nagkitang muli sina Irene at Patrick. Kasama ang kanyang ina, sinundo ni Patrick ang anak nang walang paalam sa dating asawa. Hindi pumayag si Irene. Nauwi sa pagtatalo at pag-aaway ang kanilang naging diskusiyon sa harap ni Jopet. Gulong-gulo, tumakbo si Jopet palayo sa kanila at pumunta sa isang mataas na lugar kung saan siya madalas na dalhin ng kanyang tito Boni.

Nauwi ito sa malagim na pangyayari. Isang tagpo na nagpapatunay lamang na ang anak ang unang nagdurusa sa tuwing witness siya sa pag-aaway ng magulang. May mga pagkakataong pakiramdam nito ay siya ang dahilan ng away at lubhang masakit ito para sa kanya. Habang nagtatalo ang magulang, ang anak ang naiipit sa gitna. Habang pilit na pinag-aagawan ang anak, lalo lamang nitong gustong kumawala sa kanila.


Tuluyan nang gumuho ang mundo ni Irene. Ano pa ang kanyang gagawin kung ang nag-iisang lalaki sa kanyang buhay na nagpapatatag ng kanyang loob ay wala na? Saan na siya tutungo kung ang dahilan ng lahat ng kanyang pagsisikap ay kinuha na sa kanya? Tuluyan na siyang makukulong sa mundo ng pagkamuhi sa sarili at kawalang direksiyon.

Mabigat ang papel na ginampanan ng pagkawala ni Jopet sa buhay ni Irene. Dahil sa pangyayaring ito ay namulat ang kanyang isipan na hindi niya kailangan ng lalaki upang mabuhay. Hindi niya kailangan ng katuwang sa buhay upang maging masaya. Hindi niya kailangan ng kasama upang maging buo ang pagkatao. Kaya pilit mang bumabalik sa kanya ang asawa ay hindi niya ito tinanggap. Sa pagkawala ni Jopet ay nahanap niya ang kanyang sarili. Si Jopet na naging dahilan ng kanyang pagkakakulong ang siya ring nagpalaya sa kanya.

Saturday, March 30, 2013

Ang Pagbubukas ng Puso ni Raffy sa "To Love Again" (Zialcita, 1983)

Isa akong tagahanga ni Danny Zialcita. Hindi ko napanood ang lahat ng kanyang mga pelikula, subalit ang karamihan naman sa mga napanood ko ay nagustuhan ko. Naniniwala akong isa siya sa mga underrated na direktor sa ating bansa. Kakaiba ang istilo ng kanyang pagtatrabaho kung saan binubuo niya lamang ang dayalogo ng kanyang mga karakter sa araw na kinukunan nila ito. At madalas naman ay nagwo-work ito para sa kanya (at sa pelikula). Witty ang kanyang mga dialogues at matatalino ang kanyang mga karakter. Ultimo mga kasambahay ay nakikipagtagisan ng mga dila sa kanilang mga employers o kapwa-manggagawa. Ingles kung Ingles. Batuhang matalinhaga kung nararapat. Debate kung debate. Tila may patakaran yata sa kanyang set at pelikula na pinagbabawal ang mapupurol ang utak.

Sa panahon ng martial law kung saan ang mga katulad nina Bernal at Brocka ay nagpapakita ng social realism sa kanilang mga pelikula, si Zialcita ay nakapokus sa mga komplikadong relasyon na pinapasok ng tao: adultery, concubinage, marital infidelities with consent, pagkahumaling sa pag-ibig, pagiging tuso pagdating sa pag-ibig, relasyong magulang at anak, at kung anu-ano pa. Masyado silang masalimuot na kung minsan ay mahirap itong tanggapin bilang katotohanan. Subalit ito ang mundong kinalakihan ni Zialcita kung saan sa mansiyon nakatira ang kanyang mga karakter at sumasakay ng helicopter o yatch sa tuwing pupunta sa ibang lugar. Hindi pera ang kanilang concern kundi ang pakikipagrelasyon. Hindi issue sa kanila ang trabaho kundi ang paano mapapanatili ang kanilang yaman. At hindi rin naman mahalagang mawalan sila ng yaman, huwag lamang madungisan ang kanilang dignidad at pangalan. (See related review.)

Ito ang mundo ni Zialcita kung saan ang baho ng alta sociedad ang kanyang ine-expose. Kung ang mga pelikula ni Mendoza ay binansagang "poverty porn", itinuturing ko namang "high society dirt" ang kay Zialcita.

Isa sa mga napanood kong pelikula ni Zialcita ang noo'y hindi ko gaanong na-appreciate. Pakiramdam ko ay may tila disconnected parts siya na hindi akma sa aking panlasa. May mga eksena sa aking hindi nagme-make sense at tila pinagkabit-kabit lamang upang maging buo. Kung may saysay man ang lahat ng iyon, lost in translation siya sa akin. Tulad nga ng sabi ng kaibigan kong si Ralph, "Knowing Zialcita, may meaning 'yun," nang itanong ko sa kanya ang isang bahaging hindi ko maintindihan.

Ang pelikulang tinutukoy ko ay ang To Love Again na pinagbibidahan nina Sharon Cuneta at Miguel Rodriquez noong 1983. Makalipas ang ilang taon ay binisita kong muli ito at saka lamang naging malinaw sa akin kung ano ba ang kanyang sinasabi. Tila nagparamdam sa akin si Zialcita at sinabing hinding-hindi siya maglalagay ng mga eksenang walang kabuluhan. Each part makes the whole. The whole is the sum of its parts.

Nagpatiwakal ang pinakamamahal na ama ni Raffy (Sharon) na si Enrico (Dante Rivero). Malaki ang kanyang naging pagkakautang sa negosyo na umabot sa mahigit na pitong milyong piso. Hindi niya matanggap ang dungis na iiwan nito sa kanyang pangalan kaya't mas ninais niyang wakasan na ang kanyang buhay. Ang naiwang maglilinis ng kanyang iniwang kalat ay ang kanyang anak at ang asawa na si Clarita (Liza Lorena).

Left with not much choices, Clarita turned to people whom she thought could help them with their situation. 'Yung mga taong may nag-uumapaw na kayamanan. 'Yung mga taong ituturing na barya lamang ang tulong na ibibigay sa kanila kahit pa milyon-milyon ang pinag-uusapang halaga. Isa sa nilapitan ni Clarita ay si Ramon (Charlie Davao), isang dating manliligaw na hanggang ngayon ay patuloy na umiibig sa kanya. Handa itong iahon siya sa kahihiyan kapalit ang pagpapakasal sa kanya.

Clarita refused to accept the offer. She thinks that it'll bring much shame to her late husband's name if she agrees to marry Ramon. Nilapitan niya ang mag-asawang Lupita (Susan Valdez) at Alfonso (Tony Carreon) who is very much willing to help her only if she agrees to have Raffy marry their son Alberto/Bullet (Miguel). Bilang nagmula sa tinatawag na "nouveau riche" o bagong yaman, hindi lubos na tanggap ang kanilang pamilya ng society. The union of Bullet at Raffy will serve as seal to finally bind them with the so-called "old money" or traditionally rich where Raffy belongs.

L: Ang pakikipagkita ni Clarita kay Ramon | R: Ang pagkikita nina Lupita at Raffy

Ang ganitong tulong ay hindi kusang-loob na binibigay. It is a business transaction where there are exchanges of trades. It is a form of investment kung saan ang tulong na binigay ay babalik din sa oras ng pangangailangan. Kung sa tingin nila ay wala silang pakinabang sa kanilang tutulungan, hindi sila mangingiming tanggihan ito. At kadalasan ay may naninigurong nasa kanya ang upper hand. Na siya ang higit na makikinabang kaysa pakikinabangan. Hindi ito nalalayo sa sinauang pag-iisip o tradisyon (na maging sa ngayon ay sinusunod) na ang kasal ay isang business deal. Rich families get to it to protect their assets (even through marriage with a distant or not so distant relative) while some daughters from less-fortunate families are being "sold" to the man who can afford the family's asking price (e.g. In India daughters are being fed well because healthy girls appeal better to those who can afford them.).

Pumayag si Raffy sa set-up na pinasukan ng ina kahit pa siya may hesitation. But the moment she remembers the words of her father, she runs away. Hindi niya gustong sirain ang paalala sa kanya ng ama na sa karapat-dapat na lalaki lamang siya magpapakasal at hindi niya dapat isakripisyo ang kanyang puso. She left hurriedly without getting the chance to meet Alberto.

Tinanggap ni Raffy ang unang trabaho na dumating sa kanya. Malayo ito sa kanyang ina maging sa kabihasnan. Ito ay sa isang logging camp sa bundok kung saan bruskong mga lalaki ang kanyang makakaharap. Ibang-iba sa kanyang nakagisnang mundo kung saan ang mga lalaki ay pormal at sosyal. But she is not worried. Her father has trained her well. He told her that she is no different to men. Kung ano ang kaya nilang gawin ay kaya niya rin. Hindi hadlang ang kanyang pagiging babae sa maari niyang ma-accomplished. (Isa ito sa tatak-Zialcita kung saan ang mga karakter niya ay pantay-pantay pagdating sa usapang gender.)

Being a sharpshooter, she has proven to men that she is of equal to them if not better.

However, except for the playboy boss who showed interest in her, Raffy is met only with kindness and care from the people around her. Itinuring siyang isang mamahaling kristal at anak-anakan na nangangailangan ng gabay at kalinga. She needed it. She is nursing a broken heart from the sudden loss of her father whom she considers her first love, and Rodolfo (Tommy Abuel) and Raoul (Rodolfo "Boy" Garcia) provided her with the much needed guidance and affection that only a father can give. Sila ang nagsilbing tulay upang tuluyan na siyang maka-move on sa pagkawala ng kanyang ama. Hindi na mahalaga ang side issue na kinakaharap ng naturang kumpanya noong dumating siya sa kanya. (Nagwewelga ang mga kalalakihan dahil hindi dumarating ang supply ng alak nila na siyang karamay nila sa oras na magtapos ang kanilang trabaho.) Ang mahalaga ay ang naibigay nitong comfort sa kanya sa oras ng kanyang pagdadalamhati. Tinulungan siya nito na maka-recover sa disappointment na dulot ng pagkamatay ng ama. At binuksan nito ang kanyang puso sa posibilidad ng pag-ibig muli. (Itong sequences na ito ng pelikula ang hindi ko naintindihan noon. Malinaw na siya sa akin ngayon.)

By some twist of fate, Raffy meets Bullet in the camp. He is shot, and she provides him with the blood needed for his transfusion. But again, she leaves the camp even before he regains his strength.


Bullet, not knowing she is the one whom he is supposed to marry, pursues Raffy. He is a hunter, he says. At parang isang kaakit-akit na bulaklak sa kagubutan, ginawa niya ang lahat ng paraan upang makamtam ito kahit pa siya ay mahirapan. Nagtagumpay naman siya sapagka't napaibig na rin naman si Raffy sa kanya. Ito ay dahil pinatunayan niyang karapat-dapat siya sa pag-ibig ng dalaga: persistent at may respeto sa kanya.

When Raffy learns of her mother's upcoming wedding to Ramon, she comes back to her and agrees to take the marriage deal arranged for her earlier as long as Clarita will not pursue the deal she has with Ramon. Subalit kahiyaan na, ayon kay Clarita. Ang kanyang word of honor naman ang nakataya kung sakaling aatras siya sa pinasukang usapan kay Ramon.

Not knowing that he is the same guy she will marry, Raffy breaks up with Bullet. He easily gave in much to the dismay of Raffy. "Hindi mo man lang ba ako ipagalalaban?" tanong niya. Bullet says no for he knows that no matter what happens, whether Raffy accepts his sudden marriage proposal or not, they will end up together. And so they did!

L: Raffy tells Bullet that she will marry Alberto. | R: Raffy meets Alberto for the first time.

Pantay-pantay man kung ituring ni Zialcita ang iba-ibang kasarian, inilalagay pa rin niya sa pedestal ang mga kababaihan. Mataas ang respeto niya sa kanila at binibigyan ng matinding pagpapahalaga. Hinihinang niya ito na parang ginto, hinuhubog na parang dyamante, at inaalagaan na parang isang mahahaling orchid.

Ang thesis ng To Love Again ay hindi nararapat ang isang lalaki kung hindi niya paghihirapang kamtam ang tinatangi niyang babae. True enough, destined man na magkatuluyan ay hinanap at pinaghirapan pa rin ni Bullet ang pag-ibig ni Raffy. It was love at first sight when he sees her in a bar. He meets her again many days after only to lose her once again. But he is determined to have her. Like a hunter, he finds all possible means to get to her and prove that he is worthy of her. Na siya ang taong nararapat na mag-alaga sa kanya at makapiling habang buhay.

Ganoon din naman si Ramon kay Clarita. For 18 years he didn't stop loving her. He waited patiently until he gets the chance to be with her. Kahit pa sabihing hindi siya minamahal nito, para sa kanya ay ang kanyang pagmamahal ay sapat na para sa kanilang dalawa. Hindi mahalaga ang perang kanyang iluluwal, makapiling lamang ang babaeng pinakamamahal niya. At hindi rin importante kung sabihin man ng iba na bumibili siya ng pagmamahal. And Clarita realizes that. Kaya kahit hindi pa lubos ang kanyang nararamdaman para kay Ramon ay tinanggap na rin niya ang alok na pagmamahal nito.

Sa kaso ni Alfonso, si Lupita ang itinuturing niyang hari ng tahanan. Hindi reyna o kanyang kanang-kamay lamang. Hindi partner o katuwang sa paggawa ng mga desisyon. Kung ano ang kanyang gusto ang siyang masusunod.

To Love Again is a story of about second chances. A second chance at love and at life. Hindi maaaring bumigay nang basta-basta sa buhay sa oras na sa tingin mo ay wala ka nang patutunguhan. Laging may pagkakataong makabangon. Laging masosolusyunan ang mga suliranin. However, Enrico may have given up on life, but he gave second chances to those he loved the most. At ito ang katangi-tanging bagay na naibahagi niya sa kanyang mag-ina.

Tuesday, March 19, 2013

Damaged

Noong Linggo ng gabi, umuwi akong parang isang high-schooler. Wagas na nakikipag-holding hands sa bus at walang kakeber-keber sa ibang mga pasahero. Halos mag-umpugan na nga ang mga ulo namin sa sobrang pagkakadikit. Kung wala nga lang kaming hiya, baka naglapat kahit paano ang aming labi.

Ang surreal ng sitwasyon. Ang fleeting ng moment. Hindi kami nagliligawan. Pangalawang beses pa lamang naming pagkikita ang gabing iyon. At walang eksenang nagsabihan kami ng "Gusto kita." Mayroon siyang kasintahan. At one point, I must admit, matapos ang una naming pagkikita sa isang gathering noong Disyembre ay nagpakita siya ng interes and I have flirted back subalit 'yun lang 'yun. It isn't something worth pursuing because he was already in a long-term relationship. Kaya naman ang weird ng pakiramdam na maringgan ko siya ng mga salitang "Na-miss kita" nang paulit-ulit gayong hindi naman kami lubos na magkakilala para ma-miss niya ako. (Kung tunay mang pagka-miss ang kanyang naramdaman.) At mas lalong nakakawindang ang walang kaabog-abog niyang paghawak sa aking mga kamay nang kami ay magtabi na sa bus. Hindi rin naman ako nagpakipot o tumanggi. (Hello?! Ano ako, high school girl?!) Hinawakan ko rin ang kamay niya at maging ang kanyang braso. (Yes, hindi nga ako high schooler kaya sinama ko ang paghawak sa braso.) Inaamin ko, gusto ko rin naman. If I were becoming an accessory to infidelity that time, so be it! Naghahawakan lang naman kami ng kamay. Charaught!

Inaamin ko, na-miss ko ang mga ganoong eksena. He was touching my hands as if they were the softest things he has ever touched. Akala niya nga ay hindi ako naglalaba. Na tila never nahirapan ang aking mga palad. But I do. May mga pagkakataon pa nga dati na hina-hand wash ko maging ang mga pantalon ko. Naturally soft lang talaga ang mga palad ko. Dulot ng years of using Dove soap at ng Jergens lotion! Only Dove (and Jergens) touches my skin! Choz!

Masarap sa pakiramdam 'yung ganoong moment na into you ang isang tao. My ex used to admire my soft hands, as well. I have been single for almost four years now at ang tagal na panahon na 'yung maramdaman mo ang ganoong appreciation mula sa iba. Mababaw kung iisipin ang tagpong iyon at tumatawid sa pisikal na anyo lamang, pero kebs! Nakaka-boost ng ego ang gustuhin ng isang tao na hawak-hawakan ka outside some sexual activity. A bad break-up and long-time singleness can sometimes make you feel worthless. Na parang kasalanan mo kaya ka iniwan at walang nagpapakita ng interes.

The truth is, may mga nagpapakita naman ng interes. Pero ito 'yung mga interes na tila nagbabago the next day. Na mas lalo pang nagpapaintindi ng pagkukuwestiyon mo sa iyong sarili. Tila isang damaged goods ka na sa isang tindahan ng second hand na dinadaan-daanan na lamang ng mga mamimili.

My best friend had told me to move on and conquer the dating circle one again. Oh, I did, I told him. Since nasa Singapore siya, I didn't get the chance to tell him my several attempts to conquer love once more. But they all failed. I put myself out there and felt flat on my face which led another friend asking kung hindi raw ba ako nagsasawa na paulit-ulit masaktan. Eh siyempre naman. Sino ba naman ang gugustuhin masaktan palagi (maliban na lang kung masukista siya)? Pero hindi mo rin naman malalaman kung magtatagumpay ka sa love kung di mo susubukang lumaban, hindi ba?

Pero nakakasawa nga. Nakakapagod din. Hindi ko akalaing mapupunta akong muli sa ganitong sitwasyon. Akala ko noo'y tapos na ako sa dating scene at kailanma'y di na mararanasan ang pagpapakitang-gilas only to be rejected several times.

Sa panonood ko ng isang episode ng Wagas sa GMA News TV, na-realize ko na hindi kasintahan ang hanap ko kundi isang lifelong partner. Ito na dapat ang pinagdarasal ko at hindi simpleng jowa lamang. Tapos na ako sa ganyang level. (Though hindi ko naman sinasabing napakadami kong naging jowa.) Ang kailangan ko na ay 'yung tunay at wagas. Kaya nga siguro hindi pa rin ito ibinibigay sa akin. Hindi ko pa nakilala ito. O tipong nakilala ko na, subalit hinuhubog pa siya para sa isang lifetime partnership.

Chill-chill lang, sabi ni Marc. Enjoyin ang moment, 'ika nga. Nakaka-paranoid lang minsan ang mga ganitong pagkakataon at the same time ay nakaka-excite. Ano ba ang kahahantungan nito? O siguro'y hindi na dapat pang i-overthink ang sitwasyon. Nakipag-holding hands ako, tapos. Hindi na kailangan pang bigyan ng meaning o ng metaphor. Lalo na't kapag pinapangunahan ang sitwasyon minsan, nauudlot ito o walang pinapatunguhan.

Kaya kalma lang. Lunurin lamang ang sarili sa kilig na katulad nang sa pag-ihi, natatapos din kapag nailabas na ang lahat...


(Photo source: http://isophone.bandcamp.com/track/broken-glasses)

Wednesday, March 13, 2013

Kilig-kilig to the Bones: Queer-ing Danny Zialcita

Isang queer na pagsusuri sa ilang mga pelikula ng itinuturing kong isa sa mga underrated directors ng pelikulang Filipino na si Danny Zialcita! Hindi malilimutan ng industriya ang mga obrang ginawa mo. Hindi magtatagal ay maihahanay ang galing mo sa mga naunang lumisang auteurs sa iyo. Hinahangaan kita! Ipinagbubunyi kita!

 Nakalulungkot lamang isipin na hindi na kita makakapanayam tungkol sa isa sa mga mahahalagang pelikula ni Mega, ang Dear Heart...
Queer-ing Danny Zialcita from Jek Josue David on Vimeo.

Monday, February 11, 2013

I Am Naive (and Stubborn That Way)


“How should we be able to forget those ancient myths that are at the beginning of all peoples, the myths about dragons that at the last moment turn into princesses; perhaps all the dragons of our lives are princesses who are only waiting to see us once beautiful and brave."

~Ranier Marila Rilke, from LETTERS TO A YOUNG POET


Maybe I am truly naive. I live in a fairy tale world where everyone gets their happy endings except me. I may have forgotten the fact, too, that fairy tales are meant for a man and woman...

Another year has passed. I have survived the heartaches. On to the next ones, is it?

Wednesday, December 05, 2012

Ang Hindi Kaaya-ayang Mukha ng Bading sa Slumber Party (Emmanuel dela Cruz, 2012)

De kahon ang kadalasang paglalarawan sa mga karakter ng mga bading sa pelikula. Kung hindi sila ang mga matalik na kaibigan o kanang-kamay ng mga bida, sila ang ginagawang comic relief kung saan sila ay nagpapatawa o ginagawang katawa-tawa. Minsan pa nga ay nagiging tampulan sila ng panunukso o pangungutya dahil sa kanilang kaibang kilos at gawa.

Sa mga nagdaang panahon, malaki na rin ang pinagbago ng pagsasalarawan sa mga bading lalo na sa mga pelikulang Filipino. Marami sa kanila ang pilit na inilayo ang sarili sa mga stereotypes at binuo ang pagkataong bading ayon sa kanilang sariling kuwento at karanasan, malayo sa minsang one-dimensional na pagtangin ng heterosekswal na lipunan.

Ang Slumber Party ni Emmanuel dela Cruz na isa mga line-up ng Cinema One Originals 2012 ay hindi naiiba sa mga nangahas na bigyang mukha at katauhan ang mga bading. Kung ito ba ay isang pasulong o paurong na pagtatangka ay naaayon na sa kung paano ito tatanggapin ng manonood, straight man o hindi. Subalit mahalagang tanggapin ang bading bilang isang tao. Hindi sila nararapat na ikahon sa kanilang sekswal na orientasyon o gender identity. Dahil dito, katulad din ng mga straight na indibidwal, may kanya-kanya silang pag-uugali na minsa'y kaaya-aya at kung minsa'y hindi katanggap-tanggap.

 RK Bagatsing bilang Phi, Markki Stroem bilang Elle, at Archie Alemania bilang Jhana

Si Elle (Markki Stroem) ay vanidoso at fashionable. Pinapangarap niyang maging isang sikat na fashion designer hindi sa Pilipinas kundi sa ibang bansa sapagka't ayon sa kanya ay mas mataas ang tingin sa mga designers sa ibang bansa kaysa sa sarili niyang bansa. Sa katunayan, sadyang mababa ang pagtingin niya sa kanyang mga kababayan. Mapangmata siya sa mga tinuturing niyang hindi kauri. Mapanghusga siya hindi lamang sa kanyang kapwa kundi maging sa mga matatalik niyang kaibigang sina Phi at Jhana.

Subalit sa likod ng kanyang kayabangan ay nagtatago ang isang insecure na nilalang. Isang taong hindi kampante sa kanyang panglabas na kaanyunan at hindi tanggap ang nagbagong antas sa buhay. Ang mga kapintasang ibinabato niya sa ibang tao ang siya ring mga kapintasang pinalululunok niya sa kanyang sarili.

Si Jhana (Archie Alemania) ay ang tinatawag na freeloader ni Elle sa barkada. Tuwing gimikan at out of town trips ay wala siyang maimbag na pera  dahil hindi ito ang kanyang priority. Ang kanyang pinaghihirapan ay nilalaan niya madalas sa kanyang pamilya at paminsan-minsan sa mga lalaking kanyang binu-booking. Isinasantabi niya ang kanyang kahihiyan sapagka't gusto rin niyang makasama ang mga kaibigan at maranasan ang tinatamasa nila sa buhay na hindi niya magagawa kung aasa lamang siya sa kanyang sarili. Gayumpaman, pagdating sa pakikipagtalik sa mga lalaki ay nagkakasundo sila ni Elle. Tag team pa nga sila kung minsan.

Si Phi (RK Bagatsing) ay lubos na mapagtiwala sa kanyang kapwa. Naniniwala siya sa angking kabutihan ng bawat tao na siya ring nagpapahamak sa kanya. Ang pagtitiwalang ito ay ang kanyang lakas at kahinaan. Tanggap niya ang kabuuan ng kanyang mga kaibigan maging maganda man o pangit ang kanilang ginagawa. Hindi niya sila pinupuna bagkus ay iniintindi at hinahayaan na lamang. Hinihingi niya sila ng kapatawaran sa ibang taong nagawan nila ng kamalian kung kinakailangan at inaako ang responsibilidad sa kanilang nagawa.

Sa kanyang maituturing na mabuting puso ay isang sakit na kanyang nakuha simula pagkasanggol. Isa itong lihim na kanyang pinagkakaingat-ingatan at mariing ikinukubli sa mga kaibigan sa takot na hindi nila ito matanggap.

Ang lihim ng bawat isa at ang sigaw ng kani-kanilang mga damdamin ay unti-unting bumulwak sa isang gabi sana ng kasiyahan kung saan pinagdiriwang nila ang gabi bago ang pagtatanghal ng Miss Universe. Si Ronel (Sef Cadayona), isang heterosekswal na binata, ang hindi inaasahang naging saksi ng mga pangyayari kung saan naranasan niya nang sabay ang kabutihan at kasamaan ng magkakaibigan. Namulat ang kanyang isipan sa kanilang mga pinagdaanan na nakatulong sa kanya upang intindihin at tanggapin ang pait ng kanyang sariling buhay.
  



Malinaw ang mensahe ng Slumber Party tungkol sa tunay na pagkakabigan. Ito ay higit pa sa common thread na nagbibigkis sa bawat isa. Ito ay isang samahan na kung minsan ay mas mahalaga pa sa kani-kanilang pamilya. Flawed man ang kani-kanilang mga karakter ay tanggap nila ang isa't-isa. Dapat ay walang bilangan ng mali. Dapat ay walang kuwentahan ng ambag.

Unconditional love ba itong maituturing? Maaari. Subalit unconditional love pa rin bang maituturing kung bulag ka sa matinding mali na ginagawa ng iyong kaibigan?

Isang matindi at hindi katanggap-tanggap na pangyayari sa pelikula ang tila nakaligtaan 'atang talakayin ng pelikula. Ipinasawalang-bahala ito na tila isa lamang itong hindi mahalagang gawain.

Si Ronel, habang siya ay nakatali sa upuan at nakabusal ang bibig dahil sa tangka niyang pagnanakaw sa bahay nina Phi, ay pinuntahan ni Jhana at pilit na hinalay. Nang makatapos ay dali-daling umalis si Jhana na parang walang ginawang kabalbalan. Nang malaman ito ni Phi ay humingi siya ng kapatawaran kay Jonel at inako ang responsibilidad. Sa kabilang banda, nang malaman naman ni Elle ang pangyayari ay ninais niyang makaisa rin kay Jonel, subalit inambahan na siya ng suntok nito kaya napigilan ang kanyang tangka.

Ang panghahalay ay hindi basta-basta lamang. Hindi ito maaaring tanggapin bilang isang natural at ordinaryong pangyayari lamang sa buhay. Lalaki man o babae o kabilang sa LGBT, bata man o matanda, ay hindi nararapat na  makaranas ng ganitong uri ng pananamantala sa kahit sinuman.

Hindi maikakailang may mga bading na sexual predators (mayroon din namang mga ganito sa mga straights), subalit hindi ito maaaring tanggapin bilang isang normal na gawain. Kailangang mai-address ito bilang isang masamang gawain at hindi dapat pikit-matang tinatanggap. May mga consequences ang mga pangyayari ito lalo na sa mga nagiging biktima nito. Sana ay naisip ng pelikula na ang panghahalay ay hindi isang nakakatawang eksena dahil ang isang krimen ay hindi pinagtatawanan.

Sabi nga sa promo plug ng pelikula, "Okay maging bading." Sumang-ayon ako rito. Subalit hindi okay ang maging bading at rapist! 

Bukod pa rito ay sana naging matapang pa ang pelikula sa pagtalakay ng mga bagay-bagay na ukol sa sakit na HIV. Sa panahon ngayon ay dumadami ang kaso ng mga maysakit na HIV (na nauuwi sa AIDS kung minsan) dahil sa pagiging laganap ng unprotected sex partikular na sa mga homosekswal. Magandang belikulo sana ang pelikula upang maipalaganap ang pag-iingat sa kalusugan at pagbibigay sa sarili sa ibang tao lalo pa't sexually active ang dalawa sa kanilang mga karakter (Elle at Jhana). Bagkus ay tinahak nito ang madaling daan kung saan namana ni Phi ang sakit mula sa kaniyang mga magulang. Siya ay naging isang biktima ng sitwasyon at wala siyang kalaban-laban tungkol dito.

(Ang statistics sa ating bansa kung saan dumarami ang kaso ng HIV sa mga lalaking nakikipagtalik sa mga lalaki ay maaaring hindi reliable. Maaaring dumarami ang MSM [men having sex with men] cases dahil marami sa kanila ang nagpapa-check-up at kaunti lamang sa mga heterosekswal ang nakukuhang magpatingin sa doktor. Hindi maaaring sabihing ang mga homosekswal ang nagpapalaganap ng naturang sakit o sila lamang ang tinatamaan nito.)

Pasulong ba o paurong ang karakterisasyon ng mga bading sa pelikula, kayo na ang humusga.



See related posts:
Ang Mukha ng Bading sa Pelikulang Pilipino sa Bagong Milenyo 
Here, Beki Beki! Come Out, Come Out, Wherever You Are! Zombadings 1: Patayin sa Shokot si Remington Film Review


  


Tuesday, November 06, 2012

Ang Entablado sa Pelikulang "Tunay na Ina" (1939) ni Octavio Silos


Ang Tunay na Ina (1939) ay kuwento ni Magdalena (Rosario Moreno) na biktima ng panghahalay ni Antonio (Exequiel Segovia), isang lalaking may pagtingin sa kanya subalit hindi niya gusto. Ito ay nauwi sa kanyang pagbubuntis na hindi sinang-ayunan ng kanyang ama (Precioso Palma). Dahil sa kahihiyang idudulot ng sanggol sa kanilang pamilya at sa kanyang magiging kinabukasan pa, nagpasya ang ama ni Magdalena na ipaampon ang apo. Sa tulong ng kanilang kasambahay, ibinigay ang sanggol kay Aling Andang (Naty Bernardo).


Lumipas ang ilang taon at nakilala ni Magdalena si Roberto (Rudy Concepcion). Sila ay nagkaibigan. Subalit dulot ng kanyang nakaraan ay nag-alinlangan siyang tanggapin ang pagmamahal ng binata. Nagpasya siyang ipabatid dito ang kanyang lihim sa pamamagitan ng isang liham. Umasang siyang maiintindihan nito at mahahalin pa rin sa kabila ng madilim niyang nakaraan. Hindi nakarating ang liham kay Roberto sapagka’t hindi ito ibinigay ng kanyang tiyahin (Nati Ruby) sa takot na hindi ito matatanggap ng kasintahan. Bukod pa rito ay nangako siya sa kanyang kapatid, ama ni Magdalena, bago ito pumanaw, na iingatan niya ang sikreto ng kanilang pamilya. Nagpahayag muli ng pag-ibig si Roberto. Sa paniwalang tanggap nito ang lahat ay pumayag si Magdalena sa alok nitong pag-iisang dibdib.

Nagbunga ng anak na lalaki, si Junior, ang pagsasama nina Magdalena at Roberto. Magkagayon man ay hindi pa rin nawawaglit sa isipan ni Magdalena ang anak na nawalay sa kanya. Sa tulong ng kanyang tiyahin ay natagpuan nila ang batang si Tita (Tita Duran) na ngayo’y malaki na at naghihirap sa buhay. Ninais niyang kunin si Tita upang makabawi sa kanyang pagkukulang. Subalit hindi ito naging madali para sa kanya dahil sa pagtanggi ni Aling Andang na ibigay si Tita sa kanya. Dagdag pa sa kanyang kalbaryo ay ang pagbabalik muli ni Antonio sa kanyang buhay. Hinihingan siya ng pera na kapalit ng pananahimik nito. Sa ganitong pagkakataon ay nalagay sa krisis si Magdalena: ang pagpili sa kanyang asawa o sa anak na nawalay sa kanyang piling.

Ang pelikulang Tunay na Ina, katulad ng mga pelikulang nauna rito, ay nag-ugat sa mga kuwentong pang-teatro, partikular ay ang sarsuwela. Ang sarsuwela ay kadalasang kuwento ng pag-iibigan ng mga bida na minsa’y katawa-tawa at dinaraan sa iba’t ibang awitin o sayaw. Ang mga pangunahing bida ay napapabilang sa mga mayayaman at mahihirap. Ang naturang antas sa buhay ang minsang nagiging balakid sa mga bida na kinakailangan nilang mapagtagumpayan.

 
Source: Buhat - Rudy Concepción and Rosario Moreno - Tunay na Ina (1939)

Ang Tunay na Ina ay gumagamit ng musika upang ipahatid ang nararamdam ng kanyang mga pangunahing tauhan. Ang awiting “Buhat” mula sa komposisyon ni Miguel Velarde, Jr. at titik ni Dominador Santiago ay makailang ulit na aawitin nina Magdalena at Roberto sa iba’t ibang okasyon ng kanilang buhay. Sa ganitong pagkakataon ay nagbabago rin ang kahulugan ng nasabing awitin. Ito ay awitin ng pagsinta sa dalawang taong maituturing na umibig sa unang pagkikita pa lamang; ito ay awitin ng mag-irog na ipapaabot hanggang sa dambana ang kanilang pagmamahalan; ito ay awitin ng isang ina na nagmamahal at nangugulila sa kanyang anak, at; ito ay awitin ng mag-asawang lubos ang kaligayahang nararamdaman sa pagkabuo ng kanilang pamilya.


Ang ganitong istilo ng pag-awit at paglalapat ng musika ay hindi naman tuluyang tinalikdan ng pelikulang Filipino. Mula sa entablado noong panahon ng Kastila hanggang sa musical ng Hollywood, nagpatuloy ang istilong ito. Noong dekada otsenta ay makailang ulit ding narinig ang ilang popular na awitin sa pelikulang Bituing Walang Ningning (Emmanuel Borlaza, 1985) sa iba-ibang pagkakataon sa buhay ng kanyang mga karakter na sumasalamin sa kanilang pinagdaraanan (David 2010). Ngayong dekadang ito, hindi man lubusang inaawit ng mga bida ang theme song ng pelikula ay maririnig naman ito sa mga piling eksena sa kanilang buhay, instrumental man o may halong boses ng mang-aawit. Sa Unofficially Yours (Cathy Garcia-Molina, 2012) ay tuluyan nang umawit ang mga bida upang ipahatid ang kanilang pagmamahal sa isa’t-isa gayong hindi musical ang pelikula.

Ang Tunay na Ina ay tumatawid na sa isa pang uri ng dulang pang-teatro, ang drama. Madrama ang kuwento ng buhay ni Magdalena at hindi naging madali para sa kanya ang lagpasan ang trahedya ng kanyang buhay. Siya na ang naging biktima ng panggagahasa, siya pa rin ang umani ng hirap na dulot nito: ihiniwalay sa kanya ang anak, ikinahiya ng kanyang ama ang nangyari sa kanya, nilayuan siya ng kanyang asawa nang malamang nagkaroon siya ng anak sa pagkadalaga, at namatayan siya ng isa pang anak sa mga sandaling iginugugol niya ang kanyang panahon sa anak na nawalay sa kanya. Samantalang ang lalaking umabuso sa kanya ay nanatiling malaya at nakuha pang takutin siya at maging kaibigan ng kanyang asawa.

Ito marahil ang idelohiyang nais na ipahatid ng pelikula: ang babae ang sumasalo sa lahat ng hirap na dulot ng pang-aabuso sa kanya. Bilang isang babae ay kinakailangan niyang magtiis upang marating ang ninanais na kaligayahan. Kahambing-hambing sa dinanas ni Maria, ang ina ni Hesus, na nagkaroon ng Anak sa pagkadalaga at nang lumaon ay tiniis ang hirap at sakit sa pagpaparusa at pagpatay sa Anak. Bilang kapalit ng kanyang pinagdaanan ay isang natatanging lugar sa kalangitan para sa kanya. (Ang awiting “Ave Maria” na inawit ni Magdalena sa pelikula ang nagpapahayag ng pagpapahalagang ibinibigay ng Katolikong lipunan sa kanya.) Hindi ito nalalayo sa mga turo ng Simbahan sa atin na nagbibigay-halaga sa pagtitiis sa hirap upang makamtam ang kaligayahan na maaaring makamit sa paglipas ng panahon sa mundong ito o sa kabilang buhay.

Kakikitaan din ang pelikula ng double standard na ipinapataw sa mga lalaki at babae. Ang babae ay hindi na maituturing na karapat-dapat para sa isang lalaki kung siya ay nabahiran na ng “dungis” ng iba (kahit pa ang lalaki ang nagdulot nito sa kanya). Nakakahiya na siya sa tingin ng iba at maging ng kanyang pamilya. Malaki ang simbolismong pinahahayag ng kanyang pangalang “Magdalena,” ang babae sa Bibliya na itinuturing na makasalanan at sinasabi ng ilan na isang babaeng puta. Subalit katulad ni Hesus, siya ay pinatawad Nito kapalit ng kanyang pagsisisi at pagbabalik-loob. Si Magdalena sa Tunay na Ina ay pinatawad ng kanyang pamilya matapos niyang maranasan ang hirap sa pagsasabi ng katotohanan sa asawa at sa pagkamatay ni Junior.

Isa pang umiikot na tema at idelohiya sa pelikula ay ang pagsasabi ng katotohanan at ang kahihinatnan ng pagsisinungaling. Ang katapatan ay nagdudulot ng matiwasay na pagsasama at ang kasinungalingan ay nakawawasak ng sarili at ng pamilya. Ang hindi pagsasabi ni Magdalena ng kanyang nakaraan kay Roberto nang personal ay nauwi sa kapahamakan nilang mag-asawa. Hindi ang kanyang nakaraan ang naging punto ni Roberto kundi ang di niya pagsasabi ng totoo ukol dito na maituturing na isang pangloloko. Pinagbayaran ni Magdalena ang lihim na ito nang pagkawalay sa asawa at pagkamatay ng anak. Nasalamin na rin ang ganitong pangyayari sa naunang eksena ng kasambahay nina Magdalena at sa tsuper ni Roberto. Nililigawan ng tsuper ang kasambahay subalit nagpapanggap siyang mayaman at walang asawa. Nang malaman ng kasambahay ang katotoohan ay hindi na niya tinanggap ang panunuyo sa kanya ng tsuper. Karaniwan na ang ganitong value sa mga pelikulang Filipino hanggang sa ngayon kung saan mataas ang halagang ibinibigay sa katapatan. Cliché na nga itong maitutiring subalit paulit-ulit pa ring mapapanood ang ganito uri ng kuwento sa mga pelikula, mula man sa Pilipinas o sa ibang bansa. Ang katagang “Magpakatotoo ka” ay madalas na nabibigkas sa panahong ito na isa ring ideyang nagmula sa pagiging matapat.

Ang Tunay na Ina ay isang pelikulang maituturing natin na bunga ng kanyang panahon. Nasa pananakop ng mga Amerikano noong taong 1939, may banggaang nagaganap sa mga ugaling pinahahayag ng pelikula mula sa mga nakagawiang tradisyonal na Kastila at makabagong Amerikano.

Si Magdalena ay larawan ng isang makabagong babae na tanggap ang kanyang anak kahit pa ito ay dulot ng isang pagkakamali. Subalit bilang isang babae ay hindi siya makakapalag sa patriarkang sistema. Ang kanyang ama pa rin ang nasunod sa desisyong ilayo sa kanya ang kanyang anak. Siya rin ang naging talunan nang malaman ng kanyang asawa ang kanyang pagiging dalagang-ina. Ninanais lamang niyang itama ang kanyang pagkakamali sa kanyang unang anak subalit pinagbayaran niya ito nang matindi. Sa huli ay nauwi rin ang kanyang kapalaran sa pagpapatawad at pagtanggap sa kanya (at kay Tita) ng kanyang asawa upang mabuo ang kanyang pagkatao. (May pagkakataon sa pelikula na gusto na niyang wakasan ang kanyang buhay dahil pakiramdam niya’y wala na itong halaga. Hindi siya matanggap ni Tita bilang ina at hindi rin siya tanggap ni Roberto bilang asawa.)

Sa kanyang panahon, nangahas ding magtanong ang pelikula sa kung paano bang maituturing na tunay ang isang ina. Ito ba ay sa kung sino ang nagluwal sa kanyang anak o kung sino ang nagpalaki rito. Mababaw man ang pagtalakay ng pelikula sa ganito paksa ay nagbukas siya ng isang malawak na diskurso sa isang paksa na kinakaharap ng maraming ina.

Representasyon ng makabagong lipunan ang makabagong kasuotan ng mga pangunahing karakter na napapabilang din sa angkan ng mayayaman. Sa kabilang banda, ang mga may tradisyunal na pag-uugali, mahihirap, at nakatira sa nayon ay nakasuot ng Filipinong kasuotan.

Ang teatrong pinagmulan ng pelikula ay hindi rin maikakaila sa istilong ginamit nito sa paglalapat sa pinilakang-tabing. Melodramatic subalit kalkulado ang galaw ng kanyang mga artista. Kadalasan ay nalilimitahan sila sa apat na sulok ng kuwadrado katulad ng entablado at nananatili sa gitna nito. Hinahayaan na lamang nila ang kamera na siyang lumapit sa kanila para sa kanilang close-up. Ang mga kuha ng kamera ay mabibilang din lamang sa tatlo: wide shot, medium shot, at close-up. Subalit ginagamit na rin nito ang editing techniques na nagmula pa sa Hollywood kahit pa hindi pulido ang pagkakagamit nito. May mga pagkakataong makikitang nakahinto ang isang artista at naghihintay na bigyan ng hudyat ang kanyang paggalaw. Katulad din ng mga teleserye sa panahong ito sa ating telebisyon, humihinto ang kanilang galaw bilang transisyon para sa susunod na eksena o kaya’y upang mabigyang-diin ang ekspresyon sa kanilang mga mukha.


Gumamit din ng irony ang pelikula na madalas ay nagiging sangkap ng kuwento. Kabilang dito ang pag-awit ni Tita sa isang pagtitipon, “Maligayang Pasko, araw ng kasayahan...” Subalit kaiba sa mga naunang dalawang sandali nang pag-awit niya nito, nagdurugo ang kanyang puso. Hindi niya madama ang tunay na kaluguhan ng awitin. Lumuluha siya sapagka’t nalaman niyang malubha ang sakit ni Aling Andang. Mas nais pa niyang makapiling ang ina kaysa makipagsayahan.

Isa ring teknik na ginamit ng pelikula na magpahanggang-ngayon ay ginagamit pa sa paggawa ng pelikula ay ang loveteam. Ang Tunay na Ina ay ang ikatlong pelikula na pinagsamahan nina Rosario at Rudy na bunsod ng matagumpay nilang tambalan noong unang pagkakataon (Video 48 2010).

Bilang produkto ng kanyang panahon, ang Tunay na Ina ay hindi nararapat na panoorin gamit ang modernong mata at makabagong pag-iisip. Bagkus ay dapat itong tingnan nang may halong pagkamangha sa kung paano ba nabuo ang pelikula noong dekadang ito. Bukod pa rito, ang kasaysayang napapaloob dito ang maaaring magpaliwanag sa mga kasaysayang napapaloob sa kuwento ng makabagong panahon at maaaring magsabi kung nagkaroon ba ng pagbabago o nananatili pa rin tayo sa panahong inakala nating iniwanan na natin.

(Mapapanood ang Tunay na Ina sa You Tube page ni Gobitz. Unang bahagi ng anim na paghahati ay matatagpuan dito: Tunay (1938) 1/6. Para sa mga umiibig sa pelikulang Filipino, ito ay karapat-dapat na mapanood.)



References
Book Tiongson, Nicanor G. “From Stage to Screen: Philippine Dramatic Traditions and the Filipino Film.” Readings in Philippine Cinema. Ed. Rafael Ma. Guerrero. Quezon City, Philippines: Rapid Lithographic & Publishing House, 1983. 83-94.

Film

Bituing Walang Ningning. Dir. Emmanuel Borlaza. Perf. Sharon Cuneta, Cherie Gil, and Christopher de Leon. Viva Films, 1985. Film.
Unofficially Yours. Dir. Cathy Garcia-Molina. Perf. John Lloyd Zruz and Angel Locsin. Star Cinema, 2012. Film.

Web
Cruz, Oggs. Lessons from the School of Inattention. “Tunay na Ina (1939).” Feb. 2012. Web. 17 July 2012. http://oggsmoggs.blogspot.com/2012/02/tunay-na-ina-1939.html
David, Jek. The Jek Journals Online. “The Songs of Bituing Walang Ningning.” Feb. 2010. Web, 17, July 2012. http://lifetranslated.blogspot.com/2010/02/songs-of-bituing-walang-ningning.html
Video 48. “Rosario Moreno and Rudy Concepcion in Octavio Silos’ “Tunay na Ina” (1939).” Feb. 2010. Web. 17, July 2012. http://video48.blogspot.com/2010/02/rosario-moreno-in-octavio-silos- tunay.html